10K indibidwal, lumahok sa 14th Nutri Fun Run ng Mandaluyong City

By: Carl Angelo

Idinaos ng Mandaluyong City Government, sa pangunguna mismo ni Mayor Ben Abalos, ang kanilang 14th Nutri Fun Run nitong Linggo, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng healthy living sa mga mamamayan.

Kasama ni Abalos sa naturang aktibidad sina Vice Mayor Menchie Abalos, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, at lahat ng opisyal ng lungsod.


Nabatid na aabot sa may 10,000 indibidwal ang lumahok sa 3-kilometer run na sinimulan dakong alas-5:00 ng madaling araw mula sa City Hall patungo sa Martinez Street hanggang sa Fabella Road at pabalik.

Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Abalos, na siya ring pinuno ng City Nutrition Committee, ang lahat na magkaroon na ng healthy lifestyle, sa pamamagitan nang pagpili ng isport o laro na gusto o nae-enjoy nila, o di kaya ay paglahok sa iba’t ibang isports o palakasan na isinusulong ng city government, gaya ng boxing, basketball, at iba’t ibang uri ng martial arts.

Sa kanyang panig, pinayuhan naman ni Vice Mayor Abalos, na siyang vice chairman ng City Nutrition Committee at isang nutrition advocate para sa lungsod, ang publiko na kumain ng masustansiyang pagkain at umiwas na sa pagkain ng junk foods at matatamis na inumin upang makaiwas sa karamdaman.


Bilang dating alkalde naman ng Mandaluyong, patuloy na ikinakampanya ni Secretary Abalos ang laban kontra sa ilegal na droga ng pamahalaan, sa ilalim ng ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ o ‘BIDA Program’ ng ahensiya.

Nabatid na ang taunang nutri-fun run ay naka-angkla rin sa BIDA Run ng DILG, na humihikayat sa lahat ng Mandaleños na panatilihing malusog ang kanilang mga pangangatawan sa pamamagitan nang pagbibigay ng kahalagahan sa buhay at pag-iwas sa ilegal na droga.


Ang 14th Nutri Fun Run ay bahagi ng serye ng mga aktibidad ng city government para sa pagdiriwang ng kanilang 49th Nutrition Month.


Tags: Mayor Ben Abalo

You May Also Like

Most Read