NAIS ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno na padamihin ang bilang ng mga doktor sa bansa, kaya’y magbibigay siya ng scholarship sa may 10,000 medical students kada taon kung papalarin siyang maging Pangulo sa darating na eleksiyon.
Tiniyak rin ni Moreno na itataas niya ang sahod ng mga nurses at iba pang healthcare workers.
Nabatid na ang pagpapaunlad ng healthcare system ng bansa ang pangunahing laman ng Ten-Point Agenda ni Moreno at sinabi nito na ang bilang ng mga doctors at nurses ay pantay na ipapakalat sa buong bansa, upang magkaroon ng mabuti at sapat na health care ang mga Filipino.
“Health is a priority among the 10 pillars of the Bilis Kilos Economic Agenda. To improve the country’s health care system, we will build more public hospitals and health care centers throughout the country,” ani Moreno.
Matatandaan na sinabi ni Moreno na target niyang maglaan ng karagdagang 107,000 hospital beds sa kanyang unang 1,000 araw sa tanggapan bilang Pangulo.
Sinabi ni Moreno na nasa kanya sina Dr. Willie Ong bilang runningmate at Dr. Carl Balita, na isang registered nurse, bilang isa sa kanyang senatorial candidates, dahil nais niyang matutukan ang aspetong pangkalusugan ng gobyerno nang maayos at epektibo.
Ayon pa kay Moreno , ang pagkakaroon ng doktor sa kanyang administrasyon ay napatunayan ng epektibo, gaya ng kanyang pakikipagtrabaho kay Vice Mayor Honey Lacuna na isang mahusay na doktor na naging katuwang niya noong kasagsagan ng COVID19 pandemic.