Nag-negatibo lahat ang may 100 miyembro ng Manila Police District (MPD) na sumalang sa sorpresang drug test na isinagawa kamakalawa ng umaga sa MPD Headquarters sa United Nations Avenue, Ermita, Maynila.
“Walang nag-positibo sa biglaang drug test kahapon sa hanay ng pulis Maynila,”,masayang ibinalita ni PMajor Philipp Ines, hepe ng MPD-Public Information Office.
Ang suprise drug test ay iniutos ni MPD Director PBGen Andre Dizon bilang bahagi ng paglilinis sa hanay ng pulis-Maynila.
Nais umanong matiyak ni Dizon na walang drug addict na pulis sa Maynila.
Tiniyak ni Ines na mahaharap sa kasong administratibo na posibleng ikatanggal sa serbisyo ang mapapatunayang adik na pulis.
Nabatid na muling magsasagawa ng serye ng suprise drug test ang MPD maging sa mga istasyon ng pulis.