Umabot sa 10 katao ang nasugatan matapos suyurin ng isang pampasaherong jeep na nawalan ng preno ang limang sasakyan, kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Reina Regente Street sa Maynila.
Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente pasado alas-10 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon na nawalan umano ng preno ang jeep at inararo ang mga nakahintong sasakyan.
Sa CCTV ay nakita ang pagtilapon ng isang babae mula sa e-trike o tuktuk at nakaladkad rin ng jeep ang isang lalaki.
Nakatayo agad ang babae pero ang lalaki ay matagal na humandusay sa kalsada.
Napag-alamang anim na sasakyan ang sangkot sa insidente, kasama na ang isang motorsiklo na pumagitna sa jeep at sa delivery truck.
Nabatid naman sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na sampu ang sugatan, kung saan anim ang isinugod sa ospital.
“Dalawa ang medyo malala. Tapos ‘yung iba, possible fracture. Natulungan naman kami ng mga volunteers kasi kulang ‘yung ambulance namin talaga. Duguan ‘yung nauna talaga. ‘Yung isa naman, abrasion lang,” ayon kay MDRRMO Administrative Assistant Rodolfo Tecson, Jr.
Sinabi ng driver ng delivery truck na mabilis na umano ang takbo ng jeep bago pa ito bumangga sa kanyang sasakyan.