UMAKYAT sa sampung katao ang nasawi habang anim na iba pa ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan na kinabibilangan ng commuter van, wing truck at Raptor Ford pick-up truck sa Purok 4 National Highway, Brgy. Batomelong sa General Santos City.
Ito ay matapos na bumangga ang isang SUV sa isang cargo truck, at pickup truck, na maghahatid ng isang grupo sa Gensan mula sa team-building activity sa Island Garden City of Samal Davao del Norte.
Ang mga sakay ng van ay mga kawani umano ng General Santos City-based Tuna Exporters Multi-Purpose Cooperative (Tempco), ayon sa police report
Kinilala ang mga nasawi na sina: Cesar Andaya, cargo truck driver; Noel Podadera, van driver; Lalaine Joy Labang; Mylene Donaldo; Carlo Advincula; Regie Pag-ong; Ryan Jay Niñez; Salvacion Masugbod; Alfredo Abatayo at Rose Ann Macpal, habang ang apat na sugatan ay kinilalang sina Shiela Bantaculo, Regina Gadia. Jerel Villaruz at Jeraldine Villaruz.
Lumitaw sa pagsisiyasat base sa salaysay ni Elbert Hayag, driver ng pick-up truck, nakita niyang nag-swerve ang passenger van sa kanyang harapan papuntang kabilang lane at sumalpok sa paparating na truck.
Sa impormasyon na nakuha, mula umano sa team building sa Isla Bonita, Talicod Island Garden City of Samal ang 14 na sakay ng SUV at pauwi na ng Gensan subalit nang dumating na sa Purok 4 Batomelong nitong lungsod ay pumutok umano ang isa sa gulong na nagresulta sa disgrasya.
Tinatayang malakas ang takbo ng nasabing SUV kayat pumunta sa kabilang lane at bumangga sa 10-wheeler truck na may plate number CSE 1628. Sa lakas ng impact ay tumilapon at nagkalat sa kalsada ang mga nasawi. (VICTOR BALDEMOR)














