TINATAYANG nasa 10,000 gramo ng Shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang anti narcotics operation kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo, bukod sa iligal na droga ay may limang drug personalities din ang nadakip ng kanyang mga tauhan sa inilatag na buy bust operation sa pangunguna ng PDEA RO-NCR Northern District Office.
Nagsilbing support Unit naman ang PDEA RO-NCR Southern District Office, NICA, PDEG Special Operation Unit-NCR, NCRPO Regional Drug Enforcement Unit at Parañaque City Police Station.
Nabatid na matapos ang ilang linggo surveillance operation ay ikinasa ang buy bust sting ng mga ahente ng PDEA sa Unit 308 England Building Kassel Residence, E. Rodriguez St., Moonwalk, Parañaque City.
Dinakip sa nasabing anti drug operation sina Joeymy Gumbay y Baga, 29, Tricycle Driver ng Sitio Sto. Niño, West Cupang, Muntinlupa City; Jonjon Almario y Mujar, 18 anyos delivery boy at resident ng Maguindanao St., New Lower Bicutan, Taguig City;
Ysmael Abas y Butokan binate 28 taong gulang ng Ilang-Ilang St., Cupang, Muntinlupa City at Jonnard Moldez y Diaz, binata, 28 anyos na isang cook at residente ng Sitio Sto. Niño, West Cupang, Muntinlupa City; at Sittie Mariam Gumbay y Balimbingan, dalaga 28 anyos isang online seller na naninirahan sa Sitio Sto. Niño, West Cupang, Muntinlupa City.
Nakuhang ebidensiya matapos ang matagumpay na buy bust ang 1000 grams ng suspected shabu; isang black megabox na naglalaman ng may 9000 grams ng suspected methamphetamine hydrochloride, Bundles ng boodle money; isang pirasong genuine One Thousand peso bill with serial number DW840505; at apat na cellular phone; at Assorted documents containing drug transactions.
Pawang nahaharap sa kasong Violation of Art II, Section 5, RA 9165 ang limang suspek na nadakip sa operation.














