ISANG 10-anyos na mag-aaral ang nasawi kamakalawa matapos na magpatuli sa isang hindi rehistradong doktor na nakapagtayo ng isang lying-in clinic sa Balut,Tondo, Maynila.
Ayon sa pulisya, ang suspek ay una na umanong naaresto noong 2023 ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group matapos gamitin ang pangalan at lisensiya ng doktor na kanyang pinagta-trabahuan may 20 taon na ang nakararaan.
Siya ay nakalaya matapos na makapag piyansa at sa ngayon ay hindi muna kinilala dahil sa isinasagawang manhunt operation laban sa kanya.
Inihayag umano ni Barangay Kagawad Maria Christina Tipon ng Barangay 146 na ang suspek ay wala umanong permit to operate at nadiskubre na isa itong lisensiyadong midwife pero hindi doktor.
Dinala umano ng nagreklamong si Marjorie San Agustin ang kanyang anak sa naturang klinika noong Mayo 17 kung saan bago tuliin ay sinaksakan ang bata ng anesthesia.
Nang makita ni San Agustin na nanginginig na ang bata , nagsisigaw at tila nawawala na sa sarili, tinanong umano niya sa ‘doktor’ kung normal ito at sinabi nitong normal lang ang ganun.
Nagdesisyon ang ina na dalhin ang bata sa ospital at doon ay hindi na ito na-revive pa.
Bunga nito ay naghain ng reklamo si San Agustin sa Manila Police District (MPD) at gayundin, sa National Bureau of Investigation (NBI).














