1 PATAY, DALAWA SUGATAN SA HINIHINALANG RIDU

By: Victor Baldemor Ruiz

ISA ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan sa nagaganap na sagupaan ng dalawang armdong grupo na kapwa kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) sa Brgy. Matilac, dating sakop ng bayan ng Pigcawayan sa SGA-BARMM.

Sa ulat ng militar at pulis, isa na ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan matapos sumiklab ang labanan sa pagitan nina Brgy Chairman Tong Talusan, ang field commander ng 104 base command ng Bangsamoro Islamic Armed Force ng MILF na may 30 mga armadong tagasunod, at grupo ni Ebrahim Piang alias Kagui Sabod, battalion commander ng 105 base command, BIAF, MILF kasama sina Brgy Chairman Datu Kulab ng MNLF na may pareho ding pwersa.


Bunsod nito, ilang pamilya ang lumikas sa takot na maipit sa sagupaan ng dalawang pangkat kahapon ng umaga.

Ayon kay Brigadier General Nasser P. Lidasan PA, Assistant Division Commander ng 6ID at chairman ng Coordinating Committee on the Cessation for Hostilities (CCCH) kung saan kinausap ng militar at pulisya ang dalawang armadong pangkat upang itigil na ang sagupaan sa lugar.

Ginawa ni Brig. Gen. Lidasan ang hakbang matapos na ipinag-utos ni Major General Alex S. Rillera PA, pinuno ng 6ID/JTFC na tuldukan na ang gusot sa lugar dahil hindi mag-aatubiling gamitan ng pwersa ng militar ang mga ito kung di titigil dahil nadadamay na ang mga sibilyan.


Dahil dito, agad na kinausap ni Brig. Gen. Lidasan ang dalawang naglalabang pangkat at napag-alaman na magkakamag-anak din ang mga ito bagay na sumunod din sa paki-usap ng AFP ang mga sangkot sa kaguluhan.

Unti-unti na ring nakabalik sa kanilang lugar ang mga nagsilikas na mga residente sa tulong ng 34th Infantry Battalion at mga pulisya. Napag-alaman na ang elemento ng 34IB sa pamumuno ni Lt. Col. Rey Rico ang pangunahing yunit na tumitiyak sa seguridad sa lugar.


Kaugnay nito, tiniyak naman ni Maj. Gen. Rillera na nakahanda ang tropa ng militar na protektahan ang mga mamamayan laban sa mga grupong nais sirain ang katahimikan sa erya.

“Patuloy ang aking panawagan sa ‘ting mamamayan na sangkot sa insidenteng ito na itigil na ang kaguluhan at uusad na tayo sa mas maayos, at tahimik,” aniya.


Tags: Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF)

You May Also Like