Latest News

1 PATAY, 3 SUGATAN SA PAMAMARIL NG SUNDALO

Isang tauhan ng Philippine Army ang nahaharap ngayon sa kasong pagpatay sa isang 54- anyos na ama na ikinasugat din ng tatlong iba pa sa Passi City, Iloilo nitong nakalipas na linggo.

Sa police report ay kinilala ang napaslang na si Greg Palomaria Sr., residente ng Barangay Aglalana lungsod ng Passi kung saan nangyari ang insidente.

Sugatan naman sa insidente ang anak ng nasawi na sina Greg Palomaria Jr., 22; Mark Palomaria, 30; at isang 17-taong gulang na lalaki.

Agad namang nadakip ng Passi-PNP ang sundalong namaril at ang kapatid nito na sinasabing sangkot din sa gulo.

Ayon sa Passi police, may alitan na talaga ang dalawang panig na nagsimula ng saktan umano ng pamilya Palomaria ang isa sa mga suspek noong Oktubre.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na hinarang umano ng suspek at kapatid nito si Greg Jr., na dumaan sa harap ng kanilang bahay sakay ng isang motorsiklo at tinangka pang hatawin umano ito.

Mabilis na bumalik si Greg, Jr. kasama ang ilang kamag-anak para komprontahin ang magkapatid na agad na nauwi sa gulo hanggang sa namaril na umano ang isa sa kanila na miyembro ng Philippine Army.

Agad dinala ng mga residente sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead-on-arrival si Greg, Sr. dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan habang nilalapatan pa ng lunas ang mga nasugatan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags:

You May Also Like

Most Read