INAASAHANG darating na rin sa bansa sa mga susunod na linggo ang mahigit sa 1.5 milyong doses pa ng Pfizer COVID-19 vaccines na ituturok sa mga batang kabilang sa 5-11 age group.
Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccines Operation Center (NVOC) head Myrna Cabotaje, nakatakdang dumating sa bansa ang may 780,000 pang doses ng bakuna sa Pebrero 10 habang ang 780,000 doses pa ay darating naman sa Pebrero 16, o kabuuang 1,560,000 doses.
Nauna rito, iniulat ng Department of Health (DOH) na noong Biyernes ng gabi ay dumating na sa bansa ang may 780,000 doses ng mga COVID-19 vaccines para sa mga bata.
Ang mga naturang bakuna ay gagamitin dapat sana sa bakuhanan sa 5-11 age group noong Pebrero 4.
Gayunman, dahil sa logistical issues ay naantala ang pagdating ng mga bakuna sa bansa, kaya’t ipinagpaliban na lamang ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga bata ngayong araw, Lunes, Pebrero 7.
Samantala, iniulat rin naman ni Cabotaje na sa Metro Manila ay mayroon ng 170,000 paslit ang nagparehistro para sa bakunahan habang 500,000 pa ang nagpa-register naman sa iba pang lugar sa bansa. (Carl Angelo)