Latest News

𝗣𝗿𝗼𝗽𝗼𝘀𝗲𝗱 𝗡𝗲𝘄 𝗪𝗮𝘀𝗵𝗶𝗻𝗴𝘁𝗼𝗻-𝗕𝗮𝘁𝗮𝗻 𝗕𝗿𝗶𝗱𝗴𝗲, 𝗶𝘀𝗶𝗻𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝗽𝗮𝗹𝗮𝗽𝗶𝘁𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗔𝗸𝗹𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗖𝗮𝗽𝗶𝘇, 𝗥𝗼𝘅𝗮𝘀 𝗮𝘁 𝗜𝗹𝗼𝗶𝗹𝗼

By: Carl Angelo

Isang malaking hakbang para sa inaasam na New Washington-Batan Bridge ang isinagawa matapos dumating sa lalawigan si Engr. Phillip Gouvary, isang France-based bridge designer, upang magsagawa ng ocular inspection sa mga posibleng lugar na paglalagyan ng nasabing tulay.

Layunin ng projected bridge connection na pagdugtungin ang bayan ng New Washington at Batan, Aklan, na inaasahang makatutulong sa pagpapabilis ng biyahe at pagpapagaan ng access patungo sa Capiz, Roxas City, at Iloilo.


Isinusulong ang proyektong ito sa pamamagitan ng pagsisikap nina Uswag Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang, Jr. at dating Kongresistang si Teodorico “Nonong” Haresco, Jr., na kilala rin sa pagsusulong ng malalaking infrastructure projects, kasama ang mahalagang suporta at lobbying ng tatlong alkalde: Mayor Juris Sucro ng Kalibo, Mayor Atty. Shimonette Peralta-Francisco ng New Washington at Mayor Michael Ramos ng Batan.

Para sa mga nasabing lokal na pamahalaan, ang naturang tulay ay hindi lamang isang infrastructure project kundi isang posibleng ‘game-changer’ sa transportasyon, kalakalan, turismo, emergency access at pangkabuhayang koneksyon ng mga bayan sa Silangang bahagi ng Aklan.

Sa oras na maisakatuparan, inaasahang mababawasan ang travel time, mapapalawak ang economic movement at mas mapapalapit ang Aklan sa mga pangunahing sentro ng komersyo sa Western Visayas.


Patuloy namang ipinagpapasalamat ng mga lokal na opisyal ang kooperasyon ng mga national leaders, technical experts at mga local government units sa pagsisimula ng mga pag-aaral at hakbang tungo sa katuparan ng matagal nang pangarap na tulay para sa kauswagan ng District 1 at ng buong Aklan.#


Tags: Engr. Phillip Gouvary

You May Also Like