“Dito sa Maynila, Babae ang Bida!”
Ito ang deklarasyong ginawa ni Mayor Honey Lacuna, matapos na pangunahan ang 2nd Manila Women Summit sa Metropolitan Theater, kung saan muli niyang pinasalamatan ang mamamayan ng Maynila sa pagbibigay sa kanya ng natatanging pagkakataon na maging kauna-unahang babaeng alkalde sa loob ng 450 taong mayamang kasaysayan ng lungsod.
Sa nasabing pagtitipon na inorganisa nina Manila department of social welfare chief Re Fugoso, Gender and Development Council of Manila at city administrator Bernie Ang, binanggit ng alkalde na maraming kababaihan ang sinamantala ang pagkakataon na itampok ang kanilang magagawa upang maging matagumpay sa larangan na kanilang napili at maging napakahusay sa larangang ito, maging pribado man o pampubliko.
“Marami nang Pilipina ang nabigyan ng pagkakataong mamayagpag at magtagumpay sa iba’t ibang disiplina. Hindi na kaya sa isang pahina lamang maisulat ang lahat ng mga pangalan ng mga Pilipinang nagsikap, nagpunyagi, at nag-iwan ng legasiya sa kani-kanyang larangan,” sabi ni Lacuna.
Kasabay ng panawagan niya sa lahat ng mga dumalong kababaihan sa pagtitipon na patuloy na suportahan ang kanyang administrasyon, sinabi ni Lacuna: “Napakalaking karangalan ang ipinagkaloob ninyo sa akin na maging kauna-unahang babaeng Alkalde ng Maynila makalipas ang apat na raan at limampu’t isang taon ng pagkakatatag nitong ating lungsod. Kaya’t buong pagpapakumbaba kong sinisikap na isulong ang isang uri ng pamumunong nakaugat sa mga pangunahing katangian ng babae. May positibong pananaw, matatag ang loob na malampasan ang anumang hadlang at balakid, busilak at malambot ang puso, may mataas na integridad, kumikilala sa kahalagahan ng balanseng pamumuhay, nagtatakda ng malinaw na mga layunin at maingat sa paglalatag ng mga hakbang upang harapin ang bukas.”
Idinagdag pa nito na: “Hindi ko mapagtatagumpayan ang pagkakataong ito kung hindi ko kayo kasama, katuwang at kasabay sa paglalakbay sa patuloy na pagpupunyagi ng ating hanay. Kaya’t hinihiling ko ang inyong tulong, ang inyong pakikiisa.”
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Fugoso na ang summit ngayong taon ay naglalayon na bigyang diin ang kahalagahan ng papel at kontribusyon ng mga kababaihan sa araw-araw na kaganapan sa ating lipunan, na naging makasaysayan sa pagkakaroon ng unang babaeng nahalal sa posisyon bilang alkalde ng Maynila.
Binanggit ni Fugoso ang all-out support ni Lacuna sa lahat ng programang pakikinabangan ng mga kababaihan, tulad ng paglikha ng crisis center para sa mga babae at bata.
Sa kanyang mensahe naman, sinabi ni Lacuna na, sa kabila ng kawalan ng eksaktong petsa ang kasaysayan ng women empowerment, ito naman ay resulta ng pakikipagtunggali na dinanas ng mga kababaihan sa iba’t-ibang paraaan, proseso at okasyon.
Sa nakalipas na tao, iba’t-ibang kilusan, protesta, at iba pang paraan ng sama-samang pagkilos ang nagpabilis sa proseso upang mapalakas ang women power sa bansa.
“Noong unang panahon at maging sa nakalipas na taon, ang mga kababaihan, sa daan-daang bansa, ay hindi pinapayagang bumoto. Ngunit sa paglipas ng mga araw, parami na nang parami ang mga babae na nagsama-sama at nanindigan upang ipinarinig ang kanilang mga tinig,” sabi nito.
“Mayroon pa ring ilang mga bansa sa buong mundo ang tila malalim ang impluwensiya ng kultura at pamana ng kanilang lahi. May ilan na magpahanggang ngayon ay nananatiling patriyarkal ang kalakaran kaya’t ang mga kababaihan ay patuloy na pinagkakaitan ng mga pangunahing karapatang pantao tulad ng edukasyon at iba pang oportunidad sa buhay,” dagdag pa ng lady mayor.
Ang konsepto ng pagkakapantay-pantay sa kasarian, ayon kay Lacuna ay kailangan ding samahan ng pantay na pagkilala ng kakayahan, kapasidad at kagalingan lalo na sa babae at lalaki dahil aniya may mga lugar kung saan ang mga babae ay iniitsa pwera at tinitingnan bilang mahinang klase.
“Sa parehong biyolohikal at moral na konteksto, ang mga kababaihan ay nagtataglay ng higit na kakayahan upang hubugin ang kinabukasan at pag-unlad ng isang pamilya pati na rin ng lipunan sa kabuuan. Kaya, ang pantay na pagkakataon ay dapat ibigay sa bawat babae upang tulungan silang ganap na umunlad bilang isang indibidwal at gumawa ng kanilang sariling mga pagpipilian,” giit ni Lacuna.
Sinabi pa ng alkalde na ang mga kababaihan ngayon ay mapalad na maranasan ang malaya ay malawak na pagkakataon upang makilahok, magsalita at itulak ang anumang bagay na magbibigay ng pakinabang sa sektor ng kababaihan. (JERRY S. TAN)














