Sina Mayor Honey Lacuna at bagong MTPB Director Narciso Diokno III habang ipinapaliwanag ang bagong 'no apprehension during rush hour' policy sa Maynila. (JERRY S. TAN)

WALANG HULI KAPAG RUSH HOUR SA MAYNILA, INIUTOS NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Honey Lacuna para sa agarang implementasyon ng ‘no apprehension during rush hour’ sa mga lansangan sa Maynila. Ang itinuturing na rush hour ay mula 6 a.m. hanggang 9 a.m. at muli, mula 4 p.m. hanggang 7 p.m.
Mismong si bagong Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief, Narciso Diokno III ang nag-anunsiyo hinggil sa naturang direktiba na inilabas ng alkalde.

Ayon kay Diokno, inisyu ng alkalde ang kautusan upang maiiwas ang mga motorista sa hulihan sa panahon ng rush hour dahil higit lamang aniya itong magdudulot ng pagkaantala sa kanilang pagbiyahe patungo sa kani-kanilang destinasyon o pag-uwi sa kani-kanyang tahanan.


Mablis na nilinaw ni Lacuna na ang ‘no apprehension during rush hour’ ay hindi nangangahulugan na maaari nang lumabag sa batas-trapiko ang mga motorista.

Sinabi pa ni Lacuna na sa panahon ng ‘rush hour’, karamihan sa mga motorista ay nagmamadaling makarating sa kani-kanilang tanggapan o opisina at kung aarestuhin pa ang mga ito ay lalo lamang silang mahuhuli sa pagpasok sa trabaho o sa eskwela, bukod pa sa higit itong magdudulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

“Papasok ang mga empleyado, mga estudyante sa kani- kaniyang eskwela o opisina. Kung manghuhuli ang traffic enforcer, lalo lang magkaka-traffic traffic,” ani Diokno, sa kanyang pagpapaliwanag sa atas ng alkalde.


Malinaw din umano sa kautusan ng alkalde sa MTPB na dapat na ipagpatuloy ng mga traffic enforcers ang pagsasagawa ng traffic direction at control, upang matiyak na maayos ang daloy ng trapiko tuwing ‘rush hour’.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like