NANAWAGAN si Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila na huwag maligo sa mga estero at maging sa Baseco at Dolomite beaches.
Aniya, ang mga taga-Maynila ay maaring magtungo sa mga public swimming pools na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal sa lungsod, upang doon mag-swimming at magpalamig ng katawan kung nais nila.
Ayon sa alkalde, mahigpit na ipinagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paliligo sa Dolomite beach habang mataas naman aniya ang coliform sa Baseco beach at madumi ang tubig sa mga estero na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
“Sana po sa ating mga kababayan na init na init naman po ngayon, sana po naman ay ‘wag nyo nang subukan pa na magtampisaw sa Dolomite at saka sa Baseco beach,” ani Lacuna.
Kaugnay nito ay inatasan ni Lacuna si Public Recreations Bureau chief Roland Marino na ayusin, pagandahin at tiyaking malilinis ang mga pool venues ng lungsod bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga residenteng maliligo doon ngayong tumitindi na ang init ng panahon.
Iniatas din ni Lacuna kay Marino ang pagtatalaga ng mga life guards at life savers upang matiyak ang kaligtasan ng publiko na magtutungo doon upang mag-swimming.
Libre naman umano ang paliligo sa mga pampublikong swimming pool ng lungsod bagama’t kailangan aniyang i-regulate at i-schedule ang mga gagamit nito sa sistemang ‘first-come, first-served basis’, upang maiwasan ang congestion at kalituhan sa publiko.
Ani Marino, ang mga public swimming pool na maaaring magamit nang libre ay ang sumusunod: Patricia Sports Complex swimming pool sa District 2, Tondo; Paraiso ng Kabataan swimming pool sa District 3 sa Santa Cruz; Arturo Tolentino swimming pool sa District 4, Sampaloc; Bagong Buhay swimming pool sa District 5 sa Paco at JCC swimming pool sa District 6 sa Pandacan.














