IWASAN ang pangit na awayan at ‘trolling’.
Ito ang panawagan ni Aksyon Demokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa mga netizens, lalo na sa kanyang mga taga-suporta dahil ayon kay Moreno, ang pag-aaway sa social media ay nagdaragdag lang ng bigat sa mga dalahin at stress na nararanasan ngayong pandemya.
Sinabi pa ni Moreno sa panayam sa kanyang campaign sorties na paulit-ulit ang kanyang panawagan sa kanyang mga talumpati na tigilan na o ihinto na ang pakikipagpalitan ng mga maaanghang na salita sa social media.
“Madami ang silent majority kasi na nabibingi na sa bembang ng trolling napapagod na kaya ako na mismo nag-initate. For the past two weeks, sabi ko, ‘wag sana mag-away ang message ko sa kanila,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa niya na : “Ayokong mai-stress ang mga tao sa dami ng problema. Tataas na naman ang langis, presyo ng mga bilihin, problema sa trabaho, sa sweldo, pandemya at giyera.”
Binigyang diin ni Moreno na sa lahat ng mga anxiety kabilang na ang hamong sikolohikal at ekonomikal na kinakaharap ng mamamayan, nais ng 47-anyos na alkalde na manawagan ng peyapa at friendly na pakikipagpalitan ng kuro-kuro sa social media.
“Wag na sana mag-engage sa trolling or hindi magandang sagutan. Ang gusto ko, kimkimin na lang nila ang pagmamahal sa amin tapos pagdating sa hurna, boto na. Ngayon, ‘yung mga di pa desidido, tahimik na lang para di na ma-bash or ma-pollute ang mind nila tapos pagdating sa eleksyon, pupwede naman mag-switch,” pahayag ni Moreno na tumutukoy sa nagaganap na “Switch to Isko” movement na inilunsad ng kanyang mga taga-suporta.
Sa kabila ng kanyang pasasalamat sa lahat ng mga nagtatanggol sa kanya laban sa mga walang basehang pag-ataki mula sa mga bayarang trolls, sinabi ni Moreno na ayaw niyang makipag-away ang kanyang mga taga-suporta sa trolls at ma-stress lamang dito.
Sa halip ay ipinayo ni Moreno sa kanyang mga taga-suporta na i-text o i-message ang kanilang mahal sa buhay, kaibigan at kakilala na suportahan ang kanyang presidential bid sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga ito ng mahabang listahan na kanyang nagawa sa Maynila na plano niya ring gawin sa buong bansa, kapag siya ang nahalal na Pangulo. (ANDOY RAPSING)