Latest News

Nilalagdaan ni Mayor Honey Lacuna ang mga dokumento na ukol sa mga proyekto para sa mga PDL ng Manila City Jail. (JERRY S. TAN)

‘WAG BIBITIW SA DIYOS’- PANAWAGAN NI MAYOR HONEY SA MGA PDL NG MANILA CITY JAIL

By: Jerry S. Tan

“HUWAG lamang sana kayong bibitiw sa pananalig sa Diyos at magtiwala sa inyong mga sariling kakayahan.”

Ito ang ipinanawagan ni Mayor Honey Lacuna sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa Manila City Jail (MCJ), kasabay ng papuri kay Judge Maria Sophia Tirol Solidum-Taylor sa pagbuo nito ng two-pronged project na magbibigay pag-asa sa mga nakapiit doon.

“Katatapos lamang ng paggunita sa Mahal na Araw ay nagkaroon tayo muli ng pagkakataong pag-isipan ang mga aral ukol sa sakripisyo, kapatawaran at pag-asa,” ani Lacuna nang siya ay dumalo sa paglulunsad ng proyektong, “Kariton ng Bagong Buhay at Pag-asa” at “Padyak para sa Pagbabago,” kung saan pinuri niya rin ang mga ginawa ni BJMP Regional Director Clint Russel Tangeres at Jail Superintendent Lino Soriano ng Manila City Jail.


Ayon kay Lacuna, ang proyekto ay naisip ni Judge Solidum-Taylor bilang bahagi ng ‘After Care Program’ para sa mga pansamantalang nananatili sa MCJ.

Umaasa umano siya na ang nasabing proyekto ay magbibigay pag-asa sa mga PDLs na makapagsimulang muli ng panibagong buhay sa oras na sila ay lumabas na ng MCJ.

“Itong “Kariton ng Bagong Buhay at Pag-asa” at ang “Padyak para sa Pagbabago” ay payak na oportunidad na magbibigay ng hanap-buhay sa makakatanggap nito,” saad pa ng alkalde.

“Alam ko na mayroon ding mga livelihood and skills training ang TESDA, pati na ang Alternative Learning System ng DepEd Manila na isinasagawa dito sa loob ng Manila City Jail. Maraming pagkakataon at oportunidad ang ibinibigay sa inyo upang tuluyan ninyong maisaayos ang inyong mga sarili at mabago ang mga pananaw ninyo sa buhay,” dagdag pa ni Lacuna.


Ani Lacuna , siya ay naniniwala na ang mga PDL ay biktima lamang ng mga pagkakataon at sitwasyon na hindi maiiwasan, kaya naman ginagawa ng gobyerno ang lahat upang magabayan sila tungo sa pagbabago at mabigyan ng bagong pag-asa.

You May Also Like

Most Read