Mainit na topic ngayon sa social media ang naiulat na pag-alis patungong Germany ni Vice President Sara Duterte at pamilya nito, sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at Habagat nitong Miyerkules, Hulyo 24, 2024.
Ayon sa mga naunang balita, namataan at nakunan ng larawan ang pag-alis ni Duterte kasama ang kanyang inang si Elizabeth Zimmerman, asawang si Mans Carpio at ang kanilang tatlong anak, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 para sumakay sa Emirates flight papuntang Dubai, United Arab Emirates at Munich, Germany. Dahil rito, nagtrending rin ang hashtag na #NasaanAngBisePresidente.
Bagamat wala pang opisyal na pahayag si Duterte tungkol sa kanyang pag-alis, may ulat mula sa kanyang opisina na ang nasabing pag-alis ay upang bumisita sa kanilang mga kamag-anak na German sa kanyang mother side at matagal na umano itong nakaplano at hindi biglaan.
Gayunpaman, umani ang kanyang pag-alis ng batikos sa mga netizens dahil tila nagawa pa rin nitong unahin ang pagbabakasyon sa kabila ng gutom ng mga nasalanta, pagkakalubog ng napakaraming bayan sa baha at pagkaka-stranded ng maraming Pilipino sa mga binaha ring kalsada.
Sa kasalukuyan ay tumama na rin sa kalupaan ng hilagang Taiwan si ‘Carina’ at inaasahang lalabas ito ng Philippine area of responsibility nitong Huwebes.#