NAGPAHAYAG ng pagpapasalamat sina Vice Mayor Honey Lacuna at Rep. Yul Servo matapos iendoso ng Iglesia ni Cristo na nagpapatupad ng bloc voting sa kanilang hanay.
“Maraming salamat po kapatid na Eduardo V. Manalo at sa buong kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa Distrito ng Lungsod ng Maynila. Ang inyo pong pagtitiwala at pagsuporta ay buong kababang- loob ko pong pinahahalagahan at pinasasalamatan. Nawa ay patuloy po ninyo akong ipagdasal upang tayo ay patnubayan ng Poong Maykapal sa pagsasakatuparan ng ating dakilang misyon na maghatid ng maayos, masinop, tapat at epektibong serbisyo publiko para sa mga minamahal nating kapwa-Manilenyo,” ani Lacuna.
Gayundin, nagpahayag ng pagpapasalamat si Servo: “Malugod po akong nagpapasalamat kay kapatid na Eduardo V. Manalo at sa buong kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa inyong tiwala at suporta na ipinagkaloob sa akin. Makasisiguro po kayo na ang pagkakataong makapagserbisyo ng walang katulad ay magpapatuloy. Kasama ng inyong panalangin sa aking tatdahaking bagong yugto, makakaasa po kayo na ang paglilingkod anumang panahon ay maabot sa bawat Manilenyo at buong Maynila. Muli, maraming salamat po.”
Si Lacuna ay tumatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila sa ilalim ng lokal na partidong Asenso Manileno at nakatakda bilang unang babaeng mayor ng lungsod.
Si Servo naman ay tumatakbo bilang bise-alkalde ni Lacuna sa parehong partido.
Bukod sa pagiging Vice Mayor, si Lacuna ay Presiding Officer ng Manila City Council na may 38 miyembrong konsehal. Pinamumunuan din niya ang health cluster ng lungsod ng Maynila bilang isang doktora, kung saan nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa ang anim na ospital ng lungsod, gayundin ang mga health centers at maging ang nagaganap na mass vaccination.
Samantala, si Servo naman ay deputy majority leader ng House of Representatives kung saan siya ay nakaupo bilang Congressman na kumakatawan sa ikatlong distrito ng Maynila. (Baby Cuevas)














