Latest News

(mula kaliwa) Sina Manila third district Congressman Joel Chua, Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at nagbabalik na first district Congressman Manny Lopez kasama ang lahat ng Asenso Manileno candidates habang pinangungunahan ang unity walk na pinangasiwaan ng Comelec at deputized agencies para sa isang maayos na halalan. Nasa likod ni Lopez (sa kaliwa niya) si Rey Ignacio, chief ng kanilang security.

UNITY WALK AT PEACE COVENANT SIGNING PARA SA MAAYOS NA HALALAN SA MAYNILA, TANGING GRUPO NI MAYOR HONEY ANG DUMALO

By: Jerry S. Tan

Sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo matapos pumirma sa Comelec-sponsored peace covenant, kung saan tanging ang grupo nila ang dumalo para suportahan ang isang malaya, maayos, patas at payapang eleksyon.

NAMUMUKOD/TANGING sina Manila Mayor Honey Lacuna , Vice Mayor Yul Servo at ang buong partido ng Asenso Manileño ang dumalo sa unity walk at peace covenant signing na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) at deputized agencies, habang inisnab lamang ito ng iba pang kumakandidatong alkalde sa Maynilat mga kapartido nila.

Ang nasabing paglagda sa kasunduan ay ginanap sa Kartilya ng Katipunan, kung saan naging kapuna-puna na tanging ang mga tumatakbo lamang sa mga lokal na posisyon sa Maynila sa ilalim ng Asenso Manileno, ang pangunahin o dominanteng partido sa lungsod na gamit ang bagong brand ng pamamahala na “Tapat at Totoo,” ang dumalo sa nasabing pagtitipon na layuning itaguyod ang payapa, malaya, patas at maayos na halalan sa Mayo.

“Dumalo po tayo rito para ipakita ang ating suporta sa isang maayos, patas, at payapang halalan sa Maynila.Naniniwala po tayo na mas mainam kung mas marami pang lumalahok sa ganitong inisyatibo, lalo na’t isa itong pagkakataon para ipakita natin, bilang mga lingkod-bayan, ang ating paninindigan para sa kapakanan ng mga Manileño,” pahayag ni Lacuna.


“Sana, sa mga susunod na ganitong pagsasama-sama, may iba pa pong dumalo bukod sa Asenso,” dagdag pa niya.

Matapos ang unity walk at paglagda sa peace covenant nina Lacuna, Servo at ng kanilang mga ka-tiket ay sabay-sabay naman nilang pinakawalan ang mga puting kalapati na sumisimbulo ng kanilang pakikiisa sa pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa darating na eleksyon.


Kasama ng alkalde at bise alkalde ang kanilang mga kandidato sa anim na distrito ng Maynila. Lima dito ay incumbent Congressmen na sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district), Congressman Joel Chua (3rd district), Congressman Edward Maceda (4th district), Congressman Irwin Tieng (5th district) at Congressman Benny Abante, Jr. (6th district). Ang nagbabalik na first district Congressman na si Manny Lopez, anak ng dating Mayor Mel Lopez, Jr. ang kumumpleto sa Congressional slate ng nasabing partido, habang si Dr. Giselle Maceda naman ang hahalili sa piwesto ni Rep. Edward na patapos na ang ikatlong termino.

Kasama din sa nasabing kaganapan ang majority ng mga konsehal na pawang kabilang din sa Lacuna-Servo ticket.


Dumalo din sa nasabing pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Comelec, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read