PINAPURIHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna si Universidad de Manila (UdM) President Dr. Felma Carlos-Tria dahil sa mabilis at maayos na pamamahagi ng allowances para sa mga mag-aaral ng unibersidad na umaabot sa P3,000 bawat isa..
Ayon kay Lacuna, ang nasabing halaga ay kumakatawan sa tig-P1,000 na buwanang ayuda ng pamahalaang-lokal, na sumasakop sa mga buwan ng Enero hanggang Marso 2025.
Napag-alaman kay Tria na ang mano-manong pamamahagi ng nasabing allowance ng mga UdM students ay isinagawa mula May 28 hanggang May 31, 2025 nang mabilis at maayos.
Batay na din sa nakasanayang sistema mula umpisa pa lamang, ang payout ng mga allowances para sa mga mag-aaral ng UdM ay naka- schedule bawat college.
Sinabi pa ni Tria na ang kabuuang bilang ng mga estudyante na tumanggap ng P3,000 bawat isa ay umabot ng 10,115 para sa kabuuang halaga na P30,345,000. Hindi kasama ang mga nag-drop out o di nagpatuloy ng pag-aaral.
Samantala, kasabay ding tumanggap ng ayuda ang may 8,000 mag-aaral mula naman sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na pawang tumanggap din ng parehong halaga, pero sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts na siya na ring sistema nila antimano.
Ang PLM at UdM ay kapwa pinatatakbo ng lokal na pamahalaan at ang P1,000 monthly allowance na natatanggap ng mga mag-aaral nito ay batay sa social amelioration program (SAP) ng lungsod na nagkakaloob din ng monthly cash assistance para sa senior citizens, solo parents at persons with disability.














