Sina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, kasama sina (mula kaliwa) Congressman Rolan 'CRV' Valeriano (2nd district) at UdM President Dr. Felma Tria nang pangunahan ang pagbabaon ng capsule sa groundbreaking ceremony ng sampung palapag na annex building ng Universidad de Manila sa Vitas, Tondo. Kasama rin sa okasyon ang anak ni Valeriano na si Christine (kaliwa). (JERRY S. TAN)

UDM ANNEX, IPAPATAYO NANG DI KAILANGANG MANGUTANG ANG MAYNILA

By: Jerry S. Tan

Hawak ni Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) ang capsule na siyang ibinaon sa ginanap na groundbreaking ng 10-storey annex building ng Universidad de Manila in Vitas, Tondo. Nasa larawan sina (mula kaliwa) ang anak ni Valeriano’ na si Christine, Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at UdM President Dr. Felma Tria. (JERRY S. TAN)

“PUPUWEDE naman palang di mangutang para makapagpatayo ng isang mataas na paaralang gusali. Pupuwede palang lumapit lang sa isang kaibigan at manghingi, isang kaibigan na nagmamalasakit di lang sa kanyang distrito kundi sa buong Maynila.”

Ito ang tinuran ni Manila Mayor Honey Lacuna sa kanyang mensahe nang pangunahan nila nina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano at anak nitong si Christine at Universidad de Manila (UdM) President Dr. Felma Carlos-Tria ang groundbreaking ng bagong ten-storey annex building ng UdM na itatayo sa Vitas, Tondo, na dinaluhan din nina Councilors ‘Dr. J’ Buenaventura, Macky Lacson, Uno Lim, Rod Lacsamana, Roma Robles at David Chua.

Ani Lacuna, sa pamamagitan ng proyekto ay maaari nang tumanggap ng mas maraming mag-aaral mula sa Tondo, na gustong makakuha ng libreng college education na may buwanang allowance pa.


Pinuri nina Lacuna at Servo si Valeriano sa kanyang tunay na pagmamalasakit sa Maynila sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa gusali ng UdM annex na kauna-unahan sa first district, sa kabila nang siya ay Congressman na kumakatawan sa second district ng Maynila.

“Pupuwede rin palang magpatayo ng ganito nang walang utang. Kaya ako, di ako nahihiyang manghingi o lumapit sa mga taong alam kong makakatulong sa ating lungsod. Di ko na pinabibigat pa ang obligasyon ng ng ating lungsod dahil alam ko meron pang ibang mapupuntahan ang mga pondong nasisinop natin, napupunta sa allowance ng mga mag-aaral pero ang gusali, puwedeng-pwede naman palang ipanghingi. Maraming-maraming salamat, Congressman Valeriano,” pahayag ng alkalde.

Binanggit pa ni Lacuna na batay sa datos na ibinigay ni Tria, karamihan ng mag-aaral sa UdM ay mga residente ng Tondo at dahil dito, ang bagong annex building ay makapagbibigay ng pagkakataon sa mas maraming kabataan sa Tondo para magkakaroon ng libreng college education at monthly allowance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan bukod pa sa kalidad na edukasyon mula sa UdM.

Pinasalamatan naman ni Valeriano si House Speaker Martin Romualdez na ayon sa kanya ay siyang tumulong upang makakuha siya ng pondo para sa proyekto na hiniling ni Lacuna, na nagsabing dumudugo ang kanyang puso para sa mga hindi napapasama sa cut off, dahil may limit ang bilang ng mag-aaral na pwedeng tanggapin sa UdM, dahil na rin sa kapasidad nito.


“Ito ay isang pakiusap at utos ng isang kaibigan at isang mayora. Pareho ko na produkto ng isang public school, pangarap ng mga batang Tondo na makapag-kolehiyo. Ang sabi niya (Lacuna), sana makapagpatayo tayo ng gusali pero sana walang utang,” saad ni Valeriano .

“Hindi po imposible dahil madaling nagawan ng paraan sa pakikipagtulungan sa Speaker of the House Martin Romualdez, ako po ay nakakuha ng pondo. Maraming salamat kay Speaker Romualdez at gayundin kina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, dahil ipinagkatiwala ninyo ang lupang ito, kaya matutupad na di lang ang pangarap ko at nina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, kundi maging ang pangarap ng mga taga-Tondo na makatapos ng kolehiyo,” dagdag pa ni Valeriano, kasabay ng pagpapahayag na ang gusali ang kanyang magiging legacy.

“Iba talaga si mayora. Di magaling sa salita pero madaming ginagawa…iba pa ‘yung magaling lang magsalita, maraming wento walang wenta. Sa pamamagitan ng annex na ito ay madami pang kabataan ang makapagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo nang libre. ‘Wag ho kayong mag-alala, ang laway ko ay naisasanla, hindi ako kakalaban sa inyo kahit kailan,” dagdag pa ni Valeriano.

Sa kanyang banda ay nagpahayag naman ng labis na pasasalamat si Tria kina Lacuna, Servo at Valeriano sa pagsuporta sa UdM, dahil aniya, angd UdM ay may student population na mahigit 10,000 na sa kasalukuyan at upang mayakao ang mas maraming estudyante ay nagsasagawa na ng klase sa gabi at kahit weekends sa UdM.


Ani Tria, ang katayuan ng UdM sa kasalukuyan ay maihahambing na sa mga pribadong unibersidad at ito ay dahil sa suporta at malasakit mismo ni Lacuna sa kanyang pamamahala at sa mga mag-aaral ng nasabing kolehiyo.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read