Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at DPS chief Nicole Kayle Amurao habang pinangungunahan ang isang cleanup operation sa Maynila. (JERRY S. TAN)

TULOY-TULOY NA PAGLILINIS SA BUONG LUNGSOD, INIATAS NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

INIATAS ni Mayor Honey Lacuna ang pagsasagawa ng ’round-the-clock cleanup operation’ sa mga lansangan sa Maynila pati na sa mga pathways at creeks o estero, kasabay ng panawagan sa mga residente na tiyaking maayos nilang itinatapon ang kanilang mga basura, lalo na ngayong holiday season.

Sa kanyang direktiba kay department of public services (DPS) chief Nicole Kayle Amurao , sinabi ni Lacuna na ang tuloy-tuloy na paglilinis sa buong lungsod ay may kaakibat din na walang humpay na koleksyon ng basura sa buong lungsod.

“Atin pong iniatas ang walang humpay na aksyon laban sa tambak na basura at tuloy-tuloy na paglilinis ng mga kalye, lansangan, daanan at estero sa buong Maynila,” ani Lacuna.


Tiniyak din ng alkalde na ang buong pwersa ng DPS ay nagsasagawa ng non-stop cleaning operations na kinabibilangan din ng mopping, sweeping, flushing at pati na clearing operations.

Binigyang-din ni Lacuna sa mga residente na kailangan nilang tumbasan ang ginagawa ng local government sa pamamagitan ng wastong paglalagay ng kanilang basura sa tamang sisidlan at paglalabas ng kanilang basura sa itinakdang oras ng koleksyon nito.

“Sumunod po tayo sa tamang oras ng pagtapon ng basura at iwasan ang pagtatapon ng kalat sa mga pangunahing daanan lalo na sa ating mga estero,” panawagan ni Lacuna.

Hinikayat din niya ang lahat ng mga barangay authorities na tiyakin ang kooperasyon ng kanilang mga nasasakupan sa pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang kapaligiran sa lahat ng oras at saan mang panig ng Maynila.


Tags: DPS chief Nicole Kayle Amurao, Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read