Latest News

Si Mayor Honey Lacuna sa pagbibigay ng tulong-pinansiyal sa mga nasunugan. (JERRY S. TAN)

TULONG-PINANSIYAL SA MAHIGIT 800 NASUNUGAN, PINANGUNAHAN NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mahigit 800 pamilya na nabiktima ng sunog sa iba’t-ibang parte ng lungsod nitong nakalipas na mga araw lamang.

Napag-alaman na kasama ni Lacuna sa nasabing distribusyon ng tig-P10,000 cash aid sa mga fire victims si Manila Department of Social Welfare (MDSW) head Re Fugoso.

Sa nasabing aktibidad ay nagpaabot din si Lacuna ng pag-aalala para sa mga residenteng nasugatan dahil sa sunog.


Muli niyang ipinaalala na dapat maging prayoridad ng mga residente ang buhay at kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya sa panahon ng sunog.

Ani Lacuna, karaniwang nasusugatan ang mga residente dahil bumabalik sila sa loob ng kanilang tahanan upang iligtas ang kanilang mga mahahalagang gamit.


Umaasa umano si Lacuna na bagamat hindi kalakihan ang tulong na naipagkaloob ng lokal na pamahalaan ay makakatulong naman ito sa mga fire victims upang makapagsimulang muli at makabangon.

Bilang karagdagan ay nagpaalala ang alkalde na dahil tumitindi ang init ng panahon ay mas malaki ang panganib na magkaroon ng sunog, kaya’t dapat rin aniyang lahat ng pag-iingat ay isagawa ng mga residente upang maiwasang magkaroon ng sunog.


Kaugnay niyan ay inatasan ni Lacuna ang mga barangay authorities sa lungsod na armasan ng sapat na kaalaman ang kanilang mga nasasakupang residente ukol sa mga dapat gawin at di gawin pag may sunog at kung paano ito maiiwasan.

Nitong nakalipas na linggo ay tatlong insidente ng sunog ang naganap sa Maynila, kabilang na sa mataong lugar ng Parola sa Binondo.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read