
Pinapurihan at pinasalamatan ni Mayor Honey Lacuna si City Administrator Bernie Ang at lahat ng tauhan ng Office of the City Administrator (OCA) dahil para sa kanilang tulong na nagbbibigay-daan para patuloy na maging matagumpay ang kanyang pamumuno sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ni Lacuna ang tulong ni Ang,at tanggapan nito, sa epektibo at maayos na pagpapatupad ng lahat ng programang inihanay ng kanyang administrasyon para sa kapakinabangan ng mga residente ng lungsod.
“Ang ating City Administrator ang siyang naniniguro na lahat ng gawaing panglungsod ay natutupad nang mabilis at maayos,” ani Lacuna.
Idinagdag pa ng alkalde na bilang ‘extension’ ng kanyang tanggapan, ang OCA, sa pamumuno ni Ang, ang siyang tumututok, nagmo-monitor at nagpapakilos sa mga departamento, bureau at tanggapan upang magampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin nang mabilis at maayos, patungo sa isang ‘Magnificent Manila.’
“Napakabigat kung tutuusin ang responsibilidad ng Office of the City Administrator dahil kinakailangan na mapagalaw nila hindi lamang ang iba’’t-ibang departamento sa pamahalaang-lungsod upang maparating ang tunay at tapat na paglilingkod sa ating mga kababayan,” saad ni Lacuna.
“Sila ang ating katuwang sa lahat ng ganapin at proseso patungkol sa imahe ng Maynila kaya naman lubos ang ating pasasalamat sa OCAD sa pamumuno ni dating Konsehal at ngayon ay City Administrator Bernardito C. Ang,” dagdag pa nito.
Inihayag ni assistant administrator Joy Dawis na ang OCA ay nakatuon sa pagtulong sa alkalde na makapagtatag ng maayos at epektibong local governance, para masiguro na ang lahat ng sangay ng pamahalaang-lungsod ay maayos na nagaganpaman ang kanilang mga tungkulin.
Ayon pa kay Dawis, ang OCA sa ilalim ni Ang, ay nagsisilbi rin bilang pinuno o ikalawang pinuno ng iba’t- ibang komite, konseho, task force at Technical Working Groups gaya ng sa Local Finance Committee, Market Committee, Manila Anti-Drug Abuse Council, Manila Peace and Order Council, Local Promotion Board, Solid Waste Management Board at DRRMO Council.
“Ang aming tanggapan ay namuno sa pangkat ng mga Kawani na masinop at nagsikap madokumento ang mga nagawa at tagumpay ng pamahalang-lungsod upang makamtan ang ating pinakamimithing Seal of Good Local Governance, gayundin upang magawaran tayo ng iba’t-ibang parangal, local man o international,”pahayag pa ni Dawis.