Pinasinayaan nina Mayor Honey Lacuna at Congressman Benny Abante (6th district) ang bagong footbridge sa Pasig River na siyang kauna-unahan sa nasabing lugar.

Sa kanyang mensahe ay pinasalamatan ni Lacuna si Abante sa pagsisikap nitong mapagawa ang “Tulay Pangarap – Abante Footbridge” na ayon sa kanya ay libo-libo ang makikinabang na mga residenteng tatawid dito sa araw-araw.
Ayon kay Abante, ang nasabing footbridge ay proyekto ng DPWH sa pakikipagtulungan ng Lungsod ng Maynila at para lamang sa mga pedestrians.
Ani Lacuna, ito ang kauna-unahang tulay na nagdudugtong sa Punta Sta. Ana hanggang Sta. Ana Proper sa lungsod.
Napag-alaman kay Rep. Abante na ang suspension-type footbridge ay nagtataglay din ng solar panels at mga ilaw para maging maliwanag lalo na sa gabi, para na rin sa kaligtasan ng mga daraan na residente doon.
Sakop ng tulay mula Barangay 900 sa Punta, patawid ng Pasig River at hanggang Sta. Ana Market, dagdag pa ng Kongresista.
Maliban kay Lacuna at Abante, dumalo rin sa nasabing okasyon ang mga konsehal ng sixth district ng Maynila na kinabibilangan nina Konsehel Philip Lacuna, Fog Abante at Lou Veloso at Department of Public Works and Highways (DPWH) South Manila District Engineer Mike Macud, bukod pa sa Kapisanan ng Nagkakaisang Kapitan ng Punta at Sta Ana President Chairman Gelo Abanes, mga barangay chairman at opisyal gayundin ang mga residente ng Punta at Sta. Ana mismo.














