Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na magpapatupad ang pamahalaang-lungsod ng traffic rerouting scheme at road closures o pagsasara ng ilang kalsada, kaugnay ng paggunita sa Undas, partikular na sa ilang lugar na malapit sa Manila North Cemetery (MNC).
Ayon kay Lacuna, ang road closures ay epektibo mula 12:01 a.m. ng Oktubre 30 hanggang 7 p.m. ng Nobyembre 3, 2024.
Kabilang sa mga kalsadang isasara ay ang kahabaan ng Aurora Boulevard, mula Dimasalang Road hanggang Rizal Avenue; kahabaan ng Blumentritt Road mula A. Bonifacio Road hanggang P. Guevarra St.; at kahabaan ng Retiro St. mula Dimasalang Road hanggang Blumentritt Extension.
Sarado rin ang kahabaan ng Maceda St. mula Makiling St. hanggang Dimasalang Road; kahabaan ng Dimasalang Road mula Makiling St. hanggang Blumentritt Road; at kahabaan ng P. Guevarra St. mula Cavite St. hanggang Aurora Boulevard.
Kaugnay niyan ay pinayuhan ng alkalde ang mga motorista na patungong La Loma at Chinese Cemeteries na dumaan na lamang sa kahabaan ng Rizal Avenue o J. Abad Santos Avenue, bilang point of entrance o exit (vice versa). Ang lahat naman ng sasakyang mula sa Blumentritt Road ay maaaring kumaliwa sa Cavite St. o kumanan sa Cavite St., kanan sa Leonor Rivera hanggang sa kanilang destinasyon.
Ang mga trailer trucks at heavy vehicles naman na mula sa A.H. Lacson Avenue, na nagnanais na dumaan sa Dimasalang Road, ay didiretso sa Yuseco St. patungo sa kanilang destinasyon at pabalik.
Ang mga behikulo naman na magmumula sa Dimasalang Road, na dadaan sa Blumentritt Road, ay maaaring kumanan sa Makiling St., diretso sa Blumentritt Extension hanggang sa kanilang patutunguhan.
Ayon kay Manila Traffic and Parking Bureau chief Narciso Diokno, nagtakda ang lokal na pamahalaan ng mga lugar na maaaring pagparadahan ng mga bibisita sa MNC.
Ito ay ang sumusunod: P. Guevarra St. mula Blumentritt Road hanggang Aurora Boulevard; F. Huertas St. mula Blumentritt Road hanggang Aurora Boulevard; Oroquieta St. mula Blumentritt Road hanggang Aurora Boulevard; at Simoun St., mula Dimasalang Road hanggang Blumentritt Street.