PERSONAL na binuksan sa publiko ni Manila Mayor Honey Lacuna ang isang bagong unit na tinawag na “Traditional Chinese Medicine Clinic” sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGEN).
Ayon kay Lacuna, ang bagong unit ay magsisilbi bilang bagong opurtunidad na magkaroon ng kagalingan sa pamamagitan ng ‘Complementary and Alternative Medicine’.
“Ito ang unang libreng acupuncture clinic na magbibigay-serbisyo sa mga Manilenyo lalo na dito sa ikatlong distrito. Ito ay bilang pagkilala at pagbibigay halaga sa alternatibong pamamaraan ng panggagamot gaya ng acupuncture, ventosa, therapeutic massage at iba pa,” ani Lacuna.
“Binabati natin ang ating Hospital Director, Dr. Merle Sacdalan-Faustino, sa kanyang sigasig at pagpupursige upang mabigyan ng holistic health services ang ating mga kababayan,” dagdag pa nito.
Ang bagong unit, ani Lacuna, ay isa sa mga bumubuo sa maraming hakbang na ginagawa ng lungsod upang matamo ang adhikain nitong ‘Magnificent Manila’ sa 2030.
“Pinagsusumikapan natin na maging katangi-tanging pangunahing lungsod na nagpapatupad ng pinakamataas na antas at pinaka-de kalidad na serbisyong medikal,” dagdag pa ng alkalde, na isa ring doktor.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ang alkalde ng pasasalamat sa Department of Health sa pamamagitan ni Undersecretary Gloria Balboa, Philippine Academy of Acupuncture sa pamumuno ni Dr. Tan Cho Chiong at sa Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care sa ilalim ni Dr. Annabelle Pabiona De Guzman pati na rin kay Congressman Joel Chua (3rd district) at sa mga third district City Councilors na dumalo sa inagurasyon at ipinanawagan ng alkalde na ‘wag mapapagod sa pagsuporta sa lungsod at sa pagiging bahagi ng tugon na gawing malulusog ang mga Manileño.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga ginagawa at dedikasyon ni Faustino pati na rin ng mga kawani ng JJASGEN sa paglilingkod sa mga residente ng third district ng Maynila.
Samantala, inihayag ni Lacuna na ipinapatupad na ng pamahalaang -lungsod ang maayos at epektibong ‘referral system’ para sa mga pasyente alinsunod sa Universal Health Care.
Sa ilalim ng sistema, sinabi ni Lacuna na malaki ang papel na ginagampanan ng mga barangay, health centers at six city-run hospitals kabilang ang JJASGEN, upang maging ganap na maayos at epektibo ang sistema.
Ayon sa alkalde, ito ay nakajatulong sa pagpapalakas sa kapasidad ng 44 health centers at sa pagbibigay ng pangunahin at kinakailangang mga kagamitan upang magawa ang basic laboratory, ultrasound at ECG, sabay ng kanyang pagpapahayag ng tiwala na sa mga susunod na araw, kahit ang x-ray ay magagawa na rin sa mga health centers.
“Magsisilbing prayoridad sa Magnificent Manila ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat Manilenyo, at titiyakin natin na ito ay maisagawa at maipagpatuloy sa mahabang panahon. Dito mahalaga ang ibayong pagtutulungan ng lahat na kabahagi ng health cluster at ang mga stakeholders, kabilang ang mga pribadong indibidwal at samahan,” pahayag pa ng alkalde.