Inanyayahan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang mga residente ng lungsod ng Maynila na naghahanap ng trabaho na bisitahin ang job fair na ilulunsad ng pamahalaang lokal ngayong Sabado, Abril 26, 2025.
Ang proyekto na tinawag na “TRABADO – Hanap Trabaho tuwing Sabado,” ay job fair na pinaangangasiwaan ng Public Employment Service Office – City of Manila, sa pamumuno ni Fernan Bermejo.
Sa ilalim ng proyekto, libong job vacancies ang iaalok sa mga residenteng naghahanap ng trabaho.
Nabatid na gaganapin ang job fair ganap na alas-10:00 ng umaga hanggang alas -2:00ng hapon sa Barangay 374, Tambunting St., Sta. Cruz, Manila (District 3).
Ayon kay Bermejo, simula nang maupo sa puwesto noong 2022 ay naging adbokasiya na nitong gawing tuluy-tuloy ang job fairs sa Maynila.
Sa pamamagitan ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng mga pribadong kumpanya, maging ang mga senior citizens at persons with disability ay binibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng trabaho.
Ipinaalala naman ni Lacuna sa mga job applicants na magdala ng sariling ballpens, ilang kopya ng resume, payong, pamaypay at tubig at pumunta na naka-casual attire sa kanilang pagdalo sa job fair.
Pinayuhan din ng lady mayor ang mga aplikante na sumunod sa pinaiiral na minimum public health standards.