MAGANDANG balita sa mga motorista ng Maynila.
Ipinag-utos ni Mayor Honey Lacuna ang pansamantalang pagpapahinto sa lahat ng clamping at towing operations ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa buong lungsod.
Sinabi ni Lacuna na ang direktiba ay bunsod ng mga reklamo na regular na natatanggap ng city hall mula sa mga motorista kaugnay ng pagsasagawa ng towing at clamping operations sa lungsod.
Kaugnay nito ay kaagad namang nag-isyu ng memo ang bagong talagang MTPB Officer-In-Charge na si Narciso Diokno III hinggil dito, at binalaan ang sinumang lalabag sa kautusan ng alkalde.
Alinsunod sa memo, ang lahat ng clamping at towing operations ay pansamantala munang suspendido, ‘until further notice.’
“In view of this, all concerned personnel are hereby directed to ensure that no towing or clamping operation will take place,” saad pa ng memo.
Aniya pa, “Otherwise, those who will deliberately ignore this directive will be dealt with immediately.”
Ipinaliwanag naman ni Lacuna na ang mga mamamayan ang nasa kanyang isipan nang magpasyang ilabas ang direktiba.
Matatandaan na nitong Abril lamang ay ipinatigil rin ni Lacuna ang implementasyon ng isang city ordinance na nagsasama sa mga motorsiklo sa clamping operations, bunsod na rin ng mga alalahanin at reklamo na idinulog sa kanyang tanggapan, hinggil sa implementasyon ng nasabing ordinansa.
Salig sa Ordinance No. 8998, isinasama ang motorsiklo sa listahan ng mga sasakyan na dapat na i-clamp kung ilegal ang pagkakaparada, alinsunod na rin sa napagkasunduan ng mga alkalde ng Metro Manila at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko sa mga national roads at Mabuhay lanes.
Ang anunsiyo ng lady mayor ay kasunod rin ng kumalat na pekeng 48-second audio recording na nag-aanunsiyo ng implementasyon ng ordinansa na isinasama ang mga illegally-parked motorcycles sa clamping. Ang pekeng recording ay ginaya ang paraan ng pagsasalita ng alkalde.