EMOSYUNAL na inanunsyo ng Eat Bulaga power trio na sina Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon ang kanilang paglisan sa TAPE Inc. effective May 31.
“Simula ngayong araw, May 31, kami po ay magpapaalam na sa Tape, Inc.
“Karangalan po namin na kami nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes hanggang Jolo, at naging bahagi ng buhay ninyo.
“Maraming-maraming salamat sa inyong lahat. Hanggang sa muli, saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa,” pahayag ni Vic Sotto sa Eat Bulaga live feed na iniere saYouTube channel.
“Hindi na po namin iisa-isahin ang laman ng aming mga puso at damdamin. Hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walang maaagrabyado, at may respeto sa bawat isa,”dagdag pa ni Vic.
Sinabi rin nila na ang bagong management ng TAPE Inc. ay hindi sila pinayagang iere ng live ang kanilang pamamaalam noong Miyerkules kaya ang napanood na episode ng Eat Bulaga ay isang replay habang nag ini-live stream ang pamamaalam ng tatlo.
“Pumasok po kami ngayong araw para makapagtrabaho pero hindi po kami pinayagang umere nang new management nang live. Hindi po kami pinayagan mag-live ng new management,” paliwanag ni Tito.
“Kung natatandaan niyo po, July 30, 1979, nang simulan namin ang Eat Bulaga 44 years na po ngayong taon na ‘to. Apatnapu’t apat na taon kaya naman lubos ang aming pasasalamat sa mga naging tahanan namin,” pahayag ni Joey.
Bago lumipat sa GMA, unang iniere ang Eat Bulaga sa RPN-9 at ABS-CBN.
‘Nagpapasalamat din kami sa lahat ng advertisers mula 1979 na nagmahal, nagtiwala, at sumuporta sa amin,” dagdag ni Vic.
“Ganun din po sa inyo mga dabarkads, sa mga manonood, sa inyong pagmamahal sa programang naging bahagi ng inyong tanghalian. Lubos din ang aming pagpapasalamat kay Mr. Tony Tuviera sa pagkakaibigan at pagiging bahagi ng aming pamilya.
“At higit sa lahat sa Panginoong Diyos na kahit kailan hindi niya kami pinabayaan,” say ni Tito.
Kasamang nag-announce ng nina Tito , Vic at Joey ang kanilang “Eat Bulaga” dabarkads na sina Allan K, Jose Manalo, Wallay Bayola, Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo, Ryza Mae Dizon, and Maine Mendoza, na lahat ay nakasuot ng black-and-white.
Nagsimula ang ‘Eat Bulaga!’ noong 1979 sa RPN-9. Matapos ang 10 taon, lumipat ang noontime show sa ABS-CBN bago ito nakahanap ng tahanan sa GMA-7.
Taong 2019, pumirma ang ‘Eat Bulaga!’ at ang producer nitong TAPE Inc. ng extention contract sa GMA-7.
Ang ‘Eat Bulaga!’ ang longest-running noontime show sa bansa at nag-celebrate sila ng kanilang 40th anniversary noong July 2019.
Matapos ang 23 taong pananatili sa Broadway Centrum, lumipat ang ‘Eat Bulaga!’ sa bagong APT Studios sa Cainta, Rizal, noong December 2018.
Dahil sa tagal na nilang nasa telebisyon, nakilala na rin ang theme song ng ‘Eat Bulaga!’
Ang ‘Eat Bulaga!’ din ang kauna-unanag Filipino television show na nagkaroon ng franchise sa ibang bansa.
Nagkaroon pa ng dalawang incarnation ang ‘Eat Bulaga!’ sa Indonesia.
Hindi rin nagpahuli ang ‘Eat Bulaga!’ sa takbo ng mundo dahil mayroon ng 3.24 million subscribers ang YouTube account ng programa.
Higit sa lahat, walang makakatalo sa phenomenal love team nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Sa katunayan, hawak ng ‘Eat Bulaga!’ ang Guinness Book of World Records para sa pinakamaraming tweets sa isang hashtag sa loob ng isang araw.
Ayon sa Guinness Book of World Records, may mahigit 40 million tweets sa araw ng ‘Tamang Panahon’ benefit concert noong 2015.
Sa kauna-unahang pagkakataon, pumalo rin sa 50.8% ang ratings ng ‘Eat Bulaga!’ noong ‘Tamang Panahon’ concert. Ito na ang pinakamataas na ratings na nakuha ng isang show sa Pilipinas.














