May 935 pinakamahirap na mag-aaral sa Lungsod ng Maynila ang tumanggap ng tig- P5k financial assitance mula kay Manila Mayor Honey Lacuna.
Kasama ni Lacuna si Manila department of social welfare chief Re Fugoso at barangay chair Evelyn de Guzman sa pamimigay ng cash aid sa ilalim ng Educational Assistance Program (EAP) ng lungsod sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.
Ang mga mag-aaral na nakatanggap ng tig P5,000 ay nagmula sa Districts 1,2,4,5 at Baseco at umabot sa mahigit na P4.6 milyon ang ipinamahaging halaga.
Sinabi ni Fugoso na ang mga nasabing estudyante na na-classify bilang ‘under case management’ ay humingi ng tulong sa pamahalaang- lungsod dahil sa mahirap na katayuan sa buhay, kung saan imposible sa kanilang matustusan ang mga dagdag gastusin sa kanilang pag-aaral.
Sa kanyang mensahe, nanawagan si Lacuna sa mga estudyanteng tumanggap ng ayuda na paghusayin ang kanilang pag-aaral at makatapos ng kanilang edukasyon.
Kasabay nito,muling umapela si Lacuna sa mga mag-aaeal na mag-aral nang mabuti, dahil ang diploma umano ang pinakamagandang regalo sa kanilang mga magulang.
“Mag-aral lang kayo dahil ‘yan ang regalo sa inyong mga magulang na ginagawa lahat para lang matustusan ang inyong mga pangangailangan. Wala nang iba pang masaya pag kayo ay makapagtapos ng pag-aaral,” ayon kay Lacuna.
Umapela din si Lacuna sa mga magulang na huwag na huwag magsasawang gabayan ang kanilang mga anak at pagsikapang ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga ito dahil ang pamahalaang -lungsod ay nagsisikap din upang maibigay ang lahat ng kailangang tulong ng mga estudyante. (JERRY S. TAN)














