NAKIPAGPULONG si Manila Mayor Honey Lacuna sa inilunsad na “Task Force Undas” upang plantsahin ang mga hakbang na gagawin sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at 2.
Ayon kay Lacuna, ang task force ay binubuo nina Manila North at South Cemetery Directors Yayay Castaneda at Jonathan Garzo, city engineer’s office sa pamumuno ni Armand Andres, Manila Disaster Risk Reduction Management Office Director Arnel Angeles, Manila Traffic and Parking Bureau chief Zenaida Viaje at adviser Dennis Viaje, Manila Heath Department chief Dr. Poks Pangan at Manila social welfare chief Re Fugoso at Manila Police District (MPD) Director Col. Arnold Ibay.
Sinabi ng alkalde na tiniyak sa kanya ni Ibay na may 350 kapulisan ang itatalaga sa policemen Manila South Cemetery at 450 kapulisan naman sa Manila North Cemetery
Maglalagay din ng portalets sa mga sementeryo dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo dahil sa ‘Undas.’
‘Di katulad noong isang taon kung saan ang publiko ay nasa ilalim ng health emergency dahil sa pandemic, sinabi ni Lacuna na ngayon ay pinapayagan na ang mga bata sa loob ng sementeryo.
Ang mga bata, ayon pa kay Lacuna ay lalagyan ng tag para madaling matukoy sakaling mawala.
Ang mga alagang hayop sa kabilang banda, ay hindi papayagan sa loob ng dalawang nasabing sementeryo.














