Latest News

Ilang ulit na kinailangang huminto ng motorcade nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at (gitna) Congressman Joel Chua dahil sa pagharang ng mga supporters upang sila ay salubungin, maghayag ng malakas na suporta, mag-abot ng mga memento o makamayan sila. Pawang reelectionists sina Lacuna, Servo at Chua sa ilalim ng nangingibabaw na partido sa Maynila, ang Asenso Manileño. (JERRY S. TAN)

“TAPAT AT TOTOO, HINDI KORAP, HINDI MANLOLOKO, HINDI MANG-IIWAN” SERBISYONG ITUTULOY NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

SA harap ng Simbahan at mahigit 12,000 taga-suporta ay tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagpapatuloy ng naumpisahang serbisyo para sa Manilenyo na “tapat, totoo, hindi korap, hindi manloloko at hindi kailanman mang-iiwan.”

Ani Lacuna, ito ang prinsipyong ipagpapatuloy niya at ng buong Asenso Manileño sa isang pangako na kanilang binitiwan sa harap ng Loreto Church sa Sampaloc, kung saan niya pinangunahan ang buong tiket ng Asenso Manileño bilang pagsisimula ng kampanya nila nitong Biyernes sa pamamagitan ng isang proclamation rally na isinagawa sa Earnshaw, kung saan napuno maging ang mga katabing kalye at iskinita doon.

“Tatlong taon na ang nakaraan, dito sa lugar na ito tayo nagsimulang mangarap at unang gumawa ng kasaysayan. Ngayon, narito na naman tayo, na muling humaharap sa Diyos at sa inyo. Dito sa Sampaloc, kung saan unang minahal ng mga batang Sampaloc, ang kanilang konsehala, ang inyong doktora, ang ginawa ninyong kauna-unahang babaeng alkalde, ng lungsod ng Maynila,” pahayag ni Lacuna.


Pinamumunuan nI Lacuna ang Asenso Manileño na muling idineklara ng Commission on Elections (Comelec) bilang nangingibabaw na partido sa Maynila, kung saan kasama niya si incumbent Vice Mayor Yul Servo, lima sa anim na incumbent Congressmen at majority ng mga miyembro ng Manila City Council, na pawang tumatakbo sa ilalim ng ticket ni Lacuna. Ang limang incumbent Congressmen ay sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district), Congressman Joel Chua (3rd district), Congressman Edward Maceda (4th district), Congressman Irwin Tieng (5th district) at Congressman Benny Abante, Jr. (6th district). Ang ikaanim na Congressman ay kinumpleto ng nagbabalik na first district Congressman Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez, Jr., habang si Dr. Giselle Maceda ang hahalili kay Rep. Edward na matatapos ang ikatlong termino sa Hunyo.

“Sa harap mismo ng Simbahan ng Loreto, mangangako tayo na sa ating pamilya, walang iwanan! Dahil ang nang-iiwan sa pamilya, ay nang-iiwan sa sambayanan! Napakarami na nating nagawa at hindi tayo papayag na ang mga ito’y maliitin o insultuhin, ninuman. Hindi man perpekto, ang Maynila natin, hindi rin ito dugyot. Ang Maynila natin ay puno ng pangako at pag-asa,” pahayag ni Lacuna sa di mahulugang-karayom na proclamation rallly.


“Ang sabi ng mga mamamayan, hindi semento o ilaw ang hinahanap nilakundi trabaho. Ang sabi ni lolo’t lola, hindi lata ng gatas ang hinihingi nila kungdi benepisyo. At ang sabi ng mga vendor sa Divisoria, hindi permiso ang hinihiling nila kundi kapanatagan na hindi na muling babalik ang mga nangongotong sa kanila,” saad pa ng alkalde/

Aniya, “hindi natin hahayaan na sayangin ng mga taksil, ang lahat ng serbisyo at benepisyo na naibigay natin saating unang termino,” kasabay ng kanyang kahilingan sa mga residente na manatiling nagkakaisa sa likod ng pamilya Asenso Manileño sa pagtataguyod ng mabuting prinsipyo, mabuting asal at pag-uugali at dangal, pagdating sa pamamahala ng luingsod.


“Kasama ang Diyos at bayan bilang ating saksi, hinding-hindi ko kayo pababayaan. Lalong-lalo na, ni sa panaginip, ay hinding-hindi ko kayo iiwan… dahil tayo ay tapat. Hindi tayo korap. Tayo ay totoo, hindi tayo manloloko!” deklarasyon pa ni Lacuna, na umani ng mahabang sigawan ng pagsuporta at paulit-ulit na sigawang, “walang babalik!” mula sa mga libo-libong dumalo sa nasabing rally.

Samantala, dinumog ng mga taga-Maynila ang motorcade na isinagawa nina Lacuna sa buong lungsod, kung saan makailang ulit na kinailangang ihinto ito dahil sa pagdagsa ng mga tao para sila ay salubungin ng palakpakan, hiyawan at pagpapakuha ng litrato o pagkamay sa kanila, na karamihan ay may bitbit na sariling gawang posters ng suporta at mga alay na regalo para kay Lacuna.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read