‘WELCOME’ umano kay Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng uri ng suporta ng national government officials sa kanyang administrasyon.
Ito ang sinabi ni Lacuna matapos na samahan niya si Senator Imee Marcos sa pagbibigay ng financial assistance sa mga piling residente sa Universidad de Manila nitong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga nakasama ng alkalde sa pag-welcome sa Senadora sina UDM President Felma Tria at ang kanyang spokesperson na si Atty. Princess Abante.
Ayon kay Abante, ang suportang ipinakita ni Sen. Marcos ay isang maliwanag na indikasyon ng kanyang tiwala at paniniwala sa administrasyon ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila.
Sinabi pa ni Abante na sa kabila ng hindi pagkukulang ng pamahalaang lungsod na tugunan ang mga pangangailangan ng mga residente lalo na ang mga biktima ng sunog, anumang karagdagang tulong na galing sa national officials ay ‘welcome’ sa Maynila.
Ani Abante, ang Manila local government ay nagbibigay ng P10,000 financial aid sa bawat isang pamilyang nasusunugan sa lungsod.
Bukod pa ito sa social amelioration package na nagbibigay ng buwanang cash aid sa senior citizens, solo parents, persons with disabilities at sa mga college at Grade 12 students.














