INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na nakatakdang bujksan sa 2024 ang mga ‘Super Health Centers’ sa Maynila, alinsunod sa kanyang plano na gawing world-class city ang lungsod patungo sa taong 2030.

“Upang makamit ito, kinakailangan nating unahin na matugunan ang mga payak na pangangailangan ng bawat mamamayan. Bilang isang doktora, pinaka-mahalaga sa akin na pangalagaan at tiyakin ang maayos na kalusugan ng bawat Manilenyo,” ani Lacuna.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit ang ilang mga proyektong may kaugnayan sa kalusugan ay ipinatupad ng Health Cluster ng lungsod nitiong nakalipas na unang taon ng kanyang panunungkulan.
Maliban sa pagpapalakas ng kapasidad ng may 44 health centers nang sa gayon ay makagawa sila ng basic laboratory testing, ang mga ito ay mayroonna ring ECG at ultrasound machines para sa mga buntis, bukod pa sa portable digital perieapical dental x-ray.
Sa nakatakdang pagbubukas ng ‘Super Health Centers’ sa susunod na taon, sinabi ni Lacuna na maasahan na ang serbisyo ng mga nasabing centers ay kapareho na ng mga primary level hospitals.
Magiging kalakip umano nito ang epektibong Patients’ Referral System sa pagitan ng health centers at mga city-owned hospitals kung saan nasisiguro ang maayos at mabilis na pagbibigay ng atensyong medikal sa lahat ng mga pasyente.
Ayon pa kay Lacuna, lahat ng health centers at maging City Employees Clinic ay pawang mga Philhealth at Konsulta accredited upang matiyak na lahat ay alinsunod sa ipinatutupad na Universal Health Care sa lungsod.
Sa kanyang state of the city address ay kinilala at pinasalamatan din ng alkalde ng suportang ipinagkaloob ng mga private organizations at ng national government na aniya ay naging dahilan kung bakit nakapagbukas ng iba’t-ibang mahahalagang pasilidad ang pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Ito, ayon sa kanya, ay kinabibilangan ng mga sumusunod: : Infectious Ward sa Gat Andres Bonifacio Medical Center sa pamamagitan ng donasyon ni Senador Lito Lapid; rehabilitation ng Tayabas Health Center sa tulong ni Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district); Isidro Mendoza Health Center sa tulong at suporta ni Congressman Benny Abante (6th district); Fabella Health Center improvement sa tulong ni Congressman Irwin Tieng (5th district) at rehabilitation ng Paltoc Health Center Renovation sa pamamagitan ng tanggapan ni Congressman Edward Maceda (4th district).
Pinasalamatan din ni Lacuna si Congressman Joel Chua (3rd district) para sa pagkakatatag ng Passion Healthcare Dialysis Center at binanggit din nito ang donasyong
Human Milkbank Pasteurizer ng Rotary Club of Chinatown – Manila, Rotary International at iba’t-ibang Rotary Clubs sa Justice Jose Abad Santos General Hospital sa pamumuno ni Dr. Merle Sacdalan-Faustino, gayundin ang modern blood bank na ibinigay ng Jaime V. Ongpin Foundation, Inc. sa Sta. Ana Hospital sa pamamagitan ng director nitong si Dr. Grace Padila.
Sa Bagong Ospital ng Maynila, ang mga bagong pasilidad at equipment ay nailagay na rin upang ang serbisyo nito ay maging kahalintulad ngsa mga pribadong ospital at ito ay kinabibilangan ng: 256 slice CT Scan; Magnetic Resonance Imaging o MRI; Digital Mammography with Photosynthesis at 3D and 4D Ultrasound para sa mga buntis.














