Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang pagbubukas ng dalawang palapag na super health center para sa mga residente ng unang distrito ng Tondo.
Kasama ni Lacuna sa nasabing aktibidad sina Vice Mayor Yul Servo, first district Congressional candidate Manny Lopez, Councilors Nino dela Cruz at Marjun Isidro, Manila Health chief Dr. Arnold Pangan at iba pa sa ginanap na unveiling ng marker sa Aurora Quezon Health Center at Health District 1 Office sa Tondo 1.
Ayon kay Lacuna, malaking tulong para sa mga residente ang naturang bagong bukas na super health center.
“Nakatalaga po sa unang palapag ang ating TB-DOTS room with sputum collection area, minor surgical room, prenatal room, dental clinic, treatment room at iba pang mga kwarto na makakatulong sa pagbigay ng mas epektibong serbisyo sa mga taga-Tondo,” anang alkalde.
“Sa ikalawang palapag naman nakatalaga ang Health District 1 Office at mayroon ditong Sanitation office, district health office, head nurse and head dental supervisor rooms, conference room at iba pa,” aniya.
Tiniyak ni Lacuna na maglalagay pa siya ng mga kinakailangan at karagdagang medical services at mga kagamitan tulad ng x-ray at CT scan machines.
Sinabi ng alkalde na sa pamamagitan ng health center na kanyang binuksan ay matutugunan na ang mga pangunahing pangangailangang medikal ng mga residente.
“Ito po ay bukas upang mas makatulong sa mga nangangailangan na residente ng Tondo,” dagdag pa ni Lacuna.