Buong-pagmamalaking inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na sa di na mabilang na pagkakataon ay nagawaran na naman ng award ang Sta. Ana Hospital (SAH) sa pamumuno ng director nitong si Dr. Grace Padilla.
Ayon kay Lacuna, muling nagdala ng karangalan at kasiyahan sa pamahalaang lungsod ang naturang ospital matapos maging kampeon sa katatapos lamang na Digital Governance Awards 2022, sa city level interoperability G21 category, kung saan tinalo nito ang ibang mga lungsod sa bansa. Ang first place award sa Government Internal Operations (G2I) category ay tinawag na , “Digitalizing Cold Chain Principle: (Dickson-One Software) Ensuring Vaccine Safety: The City of Manila/Sta Ana Hospital Response – Manila City.”
“Ang ibig sabihin lang po nito ay napakaganda ng cold chain na pinatutupad natin sa pagi-imbak ng ating mga vaccines lalo na laban sa COVID. Kung maalaala ninyo, napakaganda ng ating storage facility, so congrats again sa Sta. Ana Hospital sa pamumuno ni Dr. Grace Padilla,” ani Lacuna.
Ayon pa sa alkalde, ang SAH ay higit pang tumaas ang performance, standard at kalidad ng serbisyo simula ng ginawa itong sentro ng pagtugon ng lungsod sa COVID. Dito rin matatagpuan ang local government’s infectious disease center bago pa magsimula ang COVID.
Maliban dito, sinab idin ni Lacuna na noong kasagsagan ng pandemya, ang SAH ang siyang namahala sa paghawak ng RT-PCR testing machines sa lungsod na bumabasa ng resulta mula sa mga samples na galing sa ibang ospital na pinatatakbo ng lungsod. Naroon din ang molecular laboratory at vaccine storage facility ng lungsod.
“Congratulations po at nagbigay na naman kayo ng karangalan sa ating minamahal na lungsod,” bati pa ng alkalde.
Sa kanyang banda, sinabi ni Padilla na ang mga karangalang nakuha ng SAH ay bunga ng dedikasyon ng mga kawani ng ospital, lalo na ng mga pharmacists at sa suportang nakukuha nila mula mismo kay Lacuna, na isa ring doktora.
Pinasalamatan niya ang lady mayor, hospital workers, Department of Interior and Local Government, DICT at DGA sa pagkilala sa mga ginagawa ng lungsod ng Maynila at sinabing ang karangalang ito ay higit na magsisilbing inspirasyon para higit pa nilang paghusayin ang kani-kanilang trabaho.
Ang Digital Governance Awards ay kumikilala ng mga hakbanging ginagawa ng public sectors na nagde- develop ng kanilang internal systems at sumusunod sa mga kinikilalang pamantayan upang magkaloob pa ng higit na serbisyo sa kanilang mga pinagsisilbihan.
Napag-alaman na ang lungsod ng Maynila ay nanalo din ng second place sa pamamagitan ng entry nitong ‘GO! BPLS’ sa ilalim ng bureau of permits na pinamumunuan ni Levi Facundo. Ang nasabing entry ay nanalo ng second place sa city level’s Business Empowerment (G2B) category dahil sa kalidad ng serbisyo sa pamamagitan ng ‘efficient business and permits licensing system’.
Bukod diyan, nanalo din umano ng second place sa DENR-NCR’s Search for Most Improved Estero ang Maynila at ang karangalang ito ay ibinigay bilang pagkilala sa pagsasaayos ng Estero Aviles sa ilalim ni chairperson Editha Lim, na binigyan din ng special citation para sa active women’s group participation. (JERRY S. TAN)