PINAPURIHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez dahil sa pagiging tunay na maginoo nito, sa pagkakaroon ng puso para sa mahihirap at sa pagiging totoo sa kanyang salita, kasabay ng labi na pasasalamat sa pagsasabi na magandang anyayahan si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa inagurasyon ng itatayong Governor Benjamin Romualdez Cancer Center sa Maynila kapag natapos na ito.
Sinabi ng alkalde na sobra siyang na-impress sa napakabilis na pagtupad ni Romualdez sa kanyang binitiwang pangako ilang araw lang ang nakalipas bago sila nagkitang muli sa groundbreaking ceremony ng specialty center na itatayo sa compound Ospital ng Maynila.
Sinabi ni Romualdez kay Lacuna na isinama niya sa groundbreaking ang mismong House appropriations committee chair na si Rep. Zaldy Co at majority floorleader Manuel Dalipe upang matiyak na ang lahat ng kahilingan ng alkalde pati na ang pangako niya (Romualdez) ay matupad lahat kaagad.
Iminungkahi rin ni Romualdez na anyayahan si President Marcos, Jr. sa pagpapasinaya ng center kapag ito ay natapos na dahil ang yumaong Governor Benjamin ‘Kokoy’ Romualdez umano ang siyang paboritong tiyuhin ng Pangulo.
Hindi magkamayaw sa kasiyahan ang mga taong nagsidalo sa pagtitipon kung saan isang masigabong palakpakan ang ibinigay ng audience lalong-lalo na si Lacuna at ang iba pang opisyal ng lungsod na naroroon dahil sa tinuran ni Romualdez.
Pinasalamatan ni Lacuna si Romualdez pati na si fifth district Congressman Irwin Tieng sa suportang ibinibigay nila sa programa ng kanyang administrasyon at ito ay ang makapagbigay ng libreng healthcare services sa mahihirap, lalong-lalo na isa itinatayong center na aniya ay napakalaking tulong sa mga dumaranas ng nasabing sakit kung saan ang halaga ng gamutan ay mula P120,000 hanggang mahigit isang milyon.
“We assure you Speaker, that this edifice will be maintained and sustained by our city government. Pero mas maganda po sana, kung hindi man kalabisan, maglalambing na rin kami na sana ay itodo nyo na, kumpletohin nyo na po sana pati mga equipment at logistical requirement nitong ating Cancer Center,” ani Lacuna.
Sa kanyang parte ay pinuri naman ni Romualdez si Lacuna na ayon sa kanya ay “napaka-magaling, napaka-masipag at napaka-mahusay na alkalde ng Maynila,” at aniya, ang pagsama nina Co at Dalipe ay regalo niya sa lady mayor: “hindi lang salita… yes na yes… sila (Co and Falipe) na bahala sa lahat ng kailangan ninyo.”
” Naging ‘yes man’ na ata ‘ko sa Kongreso … basta lahat ng hingin ng mga Kongrsistslalo na taga-Maynila, yes na yes talaga ako… ‘yung puso natin talaga ay sa Maynila,” dagdag pa ni Romualdez. Binanggit din nya na siya ay tubong-Maynila rin kasabay ng paggunita sa kanyang kabataan nang siya ay dinadala pa ng kanyang ina para maligo sa Manila Bay dahil mayroon silang ancestral home sa Pandacan at malapit umano siya sa kamag-anak ni dating Manila Mayor Miguel Romualdez na tinatawag niyang ‘Papa Miguel.’
Ani Romualdez, malapit sa kanyang puso ang itatayong cancer center dahil ito ang sakit na kumuha sa kanyang ama at mismong sila umano ay dumanas ng hirap na dinaraanan ng mga pamilyang may miyembrong me kanser.
Tiniyak ni Romualdez ang buong pagsuporta sa proyekto habang siya ay nakaupo bilang Speaker at kung may kulang pa ay handa rin umanong tumulong ang mismong pamilya nila.