Uumpisahan na sa Mayo 13 ang pamamahagi ng senior allowance sa Maynila.
Ito ang inihayag ni Mayor Honey Lacuna na nagsabing tatanggap ng tig-2,000 ang senior citizens ng lungsod sa pagsisimula ng payout ng senior citizens monthly allowance sa susunof na linggo.
Kaugnay niyan, sinabi rin ng alkalde na naglabas na ang lungsod ng memorandum para sa 896 barangays bilang gabay ng mya punong barangay at treasurers.
Ayon kay Lacuna, ang schedule ng payout ng lahat ng allowance para sa senior citizens ay makikita sa official Facebook page ng lungsod.
Ang Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Elinor Jacinto ay nag-ulat na mayroong humigit-kumulang na 180,000 senior citizens sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Jacinto na sa ilalim ng social amelioration program na ipinatutupad ng Lacuna administration, bawat senior citizen ay tumatanggap ng monthly financial assistance na P500 mula sa lungsod.
Sa nakatakdang payout na magsisimula sa May 13, bawat senior citizen ay tatanggap ng P2,000 na sumasakop sa mga buwan ng January hanggang April, 2024.
Bagama’t di umano kalakihan ang allowances na ipinamimigay ng lungsod, ito naman ay pagpapakita ng malasakit sa mga senior citizens upang kahit paano ay makatulong sa pambili ng maintenance medicines at para din pandagdag sa mga ipinamimigay na libreng gamot sa 44 health centers sa Maynila.