MATAPOS iatas nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna na ilarga na ang pagbibigay ng ayuda sa senior citizens sa kabila nang kinukuwestiyon pa ng kandidatong si Alex Lopez ang pamamahagi nito, hiniling ng pamahalaang-lokal ng Maynila sa 178,759 senior citizens ng lungsod na alamin kung kasama ang pangalan nila sa talaan ng kani-kanilang mga barangay bilang paghahanda sa pagtanggap ng kanilang cash allowance para sa 2022.
Napag-alaman kay Secretary Bernie Ang na naipamahagi na sa 896 barangays ng lungsod ang talaan o advanced list ng mga senior citizens na nakatatanggap ng buwanang cash allowance mula sa pamahalaang-lungsod. Ang nasabing talaan mula sa Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa ilalim ng pamumuno ni Elinor Jacinto ay para sa unang apat na buwan ng taon, o Enero hanggang Abril.
Ayon sa isang advisory na inilabas ng pamahalaang-lungsod, ang takdang araw at schedule ng pamamahagi ng naturang benepisyo ng senior citizens ay pangungunahan ng city treasurer’s office (CTO) sa pamumuno ni Jasmin Talegon.
Sinabi ni Ang na ang mga ‘paymasters’ ng CTO ay magtutungo sa mga barangay sa itinakdang araw upang siyang mangasiwa ng pamamahagi ng nasabing buwanang allowance na may kabuuang P2,000 kada isang senior citizen.
Kaugnay nito ay humingi din ang CTO ng listahan ng mga senior citizens na hindi nagawang kuhain ang kanilang ayuda para sa taong 2021.
Sa araw ng pamamahagi ng cash allowance, sinabi ni Ang na dapat magpunta sa barangay ang senior citizens upang personal na tanggapin ang nasabing benepisyo at ‘yung mga hindi makapupunta dahil sa karamdaman o kapansanan ay pupuntahan naman ng paymaster sa kanilang tahanan.
Samantala ay nanawagan ang mga paymasters sa Maynila kay Lopez na huwag nang pulitikahin ang ayuda ng senior citizens dahil sila (paymasters) ang higit na nahihirapan, bukod sa senior citizens mismo.
Anila, hindi biro ang kanilang trabaho dahil iniisa-isa nila ang paglalagay ng pera sa bawat envelope na kanila pang susulatan ng pangalan at senior citizen number at dahil 17 lamang sila, umaabot sa hindi bababa sa 10,000 envelopes ang kailangang isaayos ng bawat isa sa kanila.
Sinabi ng mga paymasters na kadalasan ay inaabot sila ng dalawang lingo para sa buong proseso at kapag ito ay inantala, kinakailangan nilang isauli ang kabuuang halaga sa CTO, para lamang umpisahan muli ang buong proseso sa oras na ituloy na ang pamamahagi ng naturang allowance.
Matatandaang nakahanda na sana para maipamahagi ang buwanang cash allowance ng mga senior citizens nang ito ay kuwestiyunin ni Lopez kung pinapayagan ng Comelec, sa kabila nang taong 2018 pa ibinibigay ang naturang benepisyo.
Dahil sa pagkuwestiyon ni Lopez ay kinailangang ipagpaliban ng Manila City Hall ang pamamahagi ng cash allowance ng senior citizens, para lamang pagbigyan ang kanyang mga katanungan gaya ng kung pinapayagan ito ng Comelec, kung saan nanggaling ang pondo at kung ano pa ang mga benepisyong pinamamahagi ng pamahalaang-lungsod.
Ayon kay Sec. Ang, naantala ang benepisyo ng senior citizens dahil kinailangan nilang lumiham sa Comelec at maghintay ng kasagutan ukol sa pagkuwestiyon ni Lopez, gayundin sa city legal office upang kunin ang opinyon nito sa isyu para lamang walang masabi si Lopez. (Baby Cuevas)