NANAIG ang pagiging doktora ni Manila Mayor Honey Lacuna nang rumesponde ito sa isang nadaanang aksidente sa tapat mismo ng Manila City Hall, kung saan kaagad nitong binigyan ng first aid ang mga biktima na kinabibilangan ng isang senior citizen.
Naganap ang nasabing aksidente sa Natividad Lopez St.,sa pagitan ng SM Manila at Manila City Hall nitong Martes.
Napag-alamang papasok na sana noon sa kanyang opisina ang alkalde mula sa isang speaking engagement nang mamataan ang aksidente, na kinasangkutan ng isang 67-taong gulang na tricycle driver at pasahero nito.
Nanaig ang pagiging doktora ni Lacuna nang kaagad itong bumaba ng kanyang sasakyan at katuwang ang mga miyembro ng Medical Response Team mula sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office at Manila Health Department, ay mabilis na binigyan ng first aid medical treatment ang mga biktima.
Ayon kay MDRRMO head Arnel Angeles, nasangkot ang tricycle sa isang head-on collision sa isang Sedan.
Dumaing umano ang driver ng pananakit ng itaas na kaliwang bahagi ng kanyang katawan at kaliwang hita matapos na madaganan ng tricycle, bilang resulta ng impact ng banggaan. Ang kanya namang 50-anyos na babaeng pasahero ay nagtamo ng sugat sa kaliwang braso.
Matapos namang mabigyan ng paunang lunas, kaagad na isinakay ng MDRRMO sa kanilang ambulansiya ang mga biktima at dinala sa pinakamalapit na pagamutan para sa karagdagan pang lunas at checkup.
Kaugnay nito, pinuri at pinasalamatan ni Lacuna ang MDRRMO at MHD dahil sa kanilang mabilis na pag-aksyon sa aksidente.
Nanawagan rin ang alkalde sa publiko, partikular na sa mga motorista, na maging maingat sa kanilang pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.
Sakali naman aniyang magkaroon ng anumang emergency cases, maaaring tumawag sa mga numerong 0932-662-2322 at 0950-700-3710.














