WINELCOME ni Manila Mayor Honey Lacuna (kaliwa) at ng kanyang ina na si Inday, si Senator Jinggoy Estrada makaraang magtungo sa lamay ni dating Vice Mayor Danny Lacuna upang magbigay ng kanyang huling respeto sa dating bise alkalde. (JERRY S. TAN)

SENATOR JINGGOY, NAGBIGAY -PUGAY KAY VM DANNY LACUNA; HIDWAANG PULITIKAL, TAPOS NA

By: Jerry S. Tan

Masasabing “all is well that ends well” na sa Maynila at tapos na ang awayan sa pagitan ng Asenso Manilenyo at kampo ni dating Pangulong Erap Estrada.

Ito ay matapos na magtungo si Senador Jinggoy Estrada sa burol ng yumaong dating Vice Mayor ng Maynila na si Danny Lacuna, ama ni Mayor Honey Lacuna.


Matatandaan na nagkaroon ng pulitikal na hidwaan sa pagitan ng Asenso Manileno founder na si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna at kampo ni dating Pangulong Erap Estrada.

Nitong Lunes ng gabi ay nagtungo si Senator Estrada sa Cosmopolitan Chapel sa Araneta Avenue sa Quezon City upang magbigay ng kanyang huling respeto sa yumaong Vice Mayor Danny at makiramay sa pamilyang naulila nito.

Malugod naman siyang tinanggap ng pamilya Lacuna, sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna, na nagsabing tinatanggap at pinasasalamatan ng kanilang pamilya ang lahat ng nagbibigay ng kanilang huling respeto sa namayapang puno ng kanilang pamilya.


Napag-alaman na si Vice Mayor Danny ay isa sa mga dumalaw sa mag-amang Estrada noong sila ay na-detine sa Camp Crame.

Sa kanilang matagal na pag-uusap ay napag-alamang nag-alok din tulong sa anumang posibleng paraan si Sen. Estrada sa administrasyon ni Mayor Honey, bagay na labis naman umanong ipinagpapasalamat ng alkalde.


Kasama ni Senator Estrada na dumalaw para sa pagbibigay ng huling respeto si Senator Bong Revilla.

Si dating Vice Mayor Danny ay pumanaw sa edad na 85 noong Linggo ng umaga, Agosto 14, 2023. Ang kanyang libing ay itinakda sa Biyernes, August 18, alas-2 ng hapon sa Manila South Cemetery.


Tags: Senador Jinggoy Estrada

You May Also Like