Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna at Congressman Irwin Tieng (5th district, Manila) ang pagpapailaw ng mga kalsada sa Baseco at Malate kasama sina (mula kanan) Vice Mayor Yul Servo at Councilors Boy Isip at Charry Ortega.

SEAWALL AT ILAW SA MGA KALYE NG BASECO, REGALO NI LACUNA AT TIENG SA MGA TAGA-BASECO; MALATE, PINAILAWAN DIN

By: Jerry S. Tan

SA layuning pag-ibayuhin ang pagbibigay ng seguridad at kaligtasan para sa mga mamayan ng Baseco, magkasamang pinasinayaan nina Mayor Honey Lacuna at fifth district Congressman Irwin Tieng ang isang seawall sa nasabing lugar, kasabay ng pagpapailaw sa mga kalsada doon, na halos kasabay din ng pagpapailaw sa mga kalye ng Malate.

Sina (nakaupo mula kanan) Congressman Irwin Tieng (5th district, Manila), Vice Mayor Yul Servo at Mayor Honey Lacuna sa inauguration at blessing ng Baseco street lights at seawall. Nasa likod nina Lacuna at Servo sina fifth district Councilors Bel Isip at Charry Ortega.

Kapwa din pinasalamatan nina Lacuna at Tieng sina President Ferdinand Marcos, Jr. at House Speaker Martin Romualdez dahil sa walang sawang suporta ng mga ito sa lahat ng proyekto na layuning makatulong sa mga mamamayan ng Maynila.

Ginawa ng alkalde at Kongresista ang pagpapasalamat sa Pangulo at kay Romualdez nang kanilang pangunahan ang pormal na pagpapasinaya sa sa bagong seawall, installed concrete bored piles at solar-powered street lights sa Baseco, kung saan sinabi ni Lacuna na : “Hindi ito basta lighting lamang dahil nilagyan din natin ng seawall para hindi kainin ng dagat ‘yung lupa.”


“Isang makasaysayang araw ang ating pinagsasaluhan sa pormal na pagpapasinaya ng mga proyektong tunay na magdudulot ng seguridad, liwanag, at katatagan sa ating komunidad dito sa Baseco Compound,” ani Lacuna.

Idinagdag din nito na ang pagpapailaw ng mga kalye sa Maynila ay bahagi ng masidhing kagustuhan ng kanyang administrasyon na mapanatili ang pangkalahatang peace ang order lalo na sa gabi, hindi lamang para sa mga sasakyan kundi maging sa sinumang dumaraan sa mga kalsada ng lungsod kapag gabi na.


Naghayag ng pasasalamat si Lacuna kay Tieng sa aktibong pagsuporta sa kanyang administrasyon at mga programa. Aniya, lahat ng makabuluhang proyekto na nagdudulot ng kapakinabangan sa mga Manileño ay epektibong naisasakatuparan sa pamamagitan ng partnership ng local at national, sabay banggit na naging bahagi din si Tieng ng rehabilitasyon ng San Andres Complex, Lagusnilad at iba pa.

Sa kanyang banda ay tiniyak naman ni Tieng ang kanyang patuloy na commitment kay Lacuna at binanggit din nito ang suporta nina President Marcos, Jr. at Speaker Romualdez sa lahat ng oras, kasabay ng pasasalamat din kay DPWH District Engineer Bryan Briones sa tulong nito.


Binigyang-diin ni Lacuna na lahat ng mga proyektong kanilang pinasinayaan ay mga kongkretong ebidensya na hindi kailangang mangutang ng lokal na pamahalaan ng ubod laking halaga para lamang maisagawa ang mga proyekto, dahil nariyan ang suporta ng mga kaalyansa sa Congress na aniya ay kanya ring itinuturing na kapamilya.

“Ang mga proyektong ito ay patunay ng ating pagkakaisa at pagtutulungan upang mas mapabuti ang buhay ng bawat mamamayan,” pahayag pa ni Lacuna.

Kasama sina Vice Mayor Yul Servo at fifth district Councilors Charry Ortega at Boy Isip, pinangunahan din nina Lacuna at Tieng ang inagurasyon at pagbabasbas ng bago at solar-powered street lights sa San Marcelino Street mula Pedro Gil hanggang Quirino Avenue sa Malate.

Ang nasabing proyekto, anang alkalde, ay bahagi ng mga hakbang tungo sa mas maliwanag at mas ligtas na komunidad, dahil ang kadiliman ay laging kakampi ng mga kriminal na elemento sa lipunan.

Tiniyak ni Tieng ang patuloy niyang pagtulong sa administrasyong Lacuna sa lahat ng oras, at idinagdag pa nito na ang Baseco ay isang reclaimed area, kung saan kinakain ng tubig ang lupa kaya naman ang seawall project na kanilang pinasinayaan ang siyang magsisilbing pananggalang ng mga nakatira sa nasabing lugar, habang ang mga Ilaw ang siyang magbibigay ng kaligtasan sa mga residente ng Baseco at lahat ng nagagawi doon sa gabi.

Tags: Congressman Irwin Tieng, Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read