TULOY ang pagbibigay ng libreng gold standard of testing o ng RT-PCR swab coronavirus testing sa Manilans at non-Manilans.
Ito ang tiniyak ni Presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno, kasabay sa pag-anunsyo na may kabuuang 197,378 indibidwal na ang nabigyan ng free swab testing sa Maynila hanggang February 25, 2022.
“Maibsan man lang ang gastusin ninyo sa hirap na dinaranas natin sa pandemyang ito. Nais naming mabigyan kayo ng kapanatagan thru gold standard of testing at ‘yan po ay mananatiling libre hanggang kaya, loobin nawa ng Diyos,” sabi ni Moreno na ginagarantiyahan na ang swab tests sa Maynila ay mananatiling libre kapag naupo na si Vice Mayor Honey Lacuna bilang alkalde ng Maynila matapos ang eleksyon sa Mayo.
Sinabi ni Moreno na si Lacuna ay aktibong kabahagi sa paggawa ng mga pro-poor programs sa lungsod at nananatiling bukas sa pagtulong sa mga kalapit siyudad. Idinagdag pa nito na :“Kung kayo ay na-expose, may sintomas, nangangamba sa gastos, ‘wag kayong mahihiya. Welcome kayo sa Maynila.”
Ayon pa sa alkalde ang sinumang na gustong mag-avail ng free swab testing ay maaaring magtungo sa drive-thru center sa Luneta o sa anim na pagamutan na pinatatakbo ng lungsod.
“Malugod po naming kayong paglilingkuran, maibsan lamang ang inyong pangamba at gastos,” sabi pa nito na idinagdag din na ang libreng serbisyo ay available sa mga residente at sa mga nasa labas ng Maynila.
Nagpapatupad din ng open policy ang mass vaccination program sa ilalim ni Vice Mayor Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan. Ibig sabihin, ito ay available sa parehong Manilans at outsiders.
“What is important, he said, is that vaccines are administered to as many as possible, since this is the goal of government in order to achieve the needed population protection numbers, ” ayon pa kay Moreno.
Maging first o second dose o booster vaccination, sinabi ni Moreno na lahat ng gustong tumanggap ng mga ito ay welcome sa Maynila. (Andres Rapsing)