Bunsod ng napakaraming reklamo ng senior citizens ukol sa paggamit ang PayMaya sa pagkuha ng kanilang monthly monetary allowance mula sa pamahalaang-lokal, tumugon si Manila Mayor Honey Lacuna sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga barangay ng pamamahala sa pamamahagi ng nasabing allowance para maging madali at mabilis itong matanggap.ng senior citizens.
Napag-alaman kay Lacuna na madaming tinatanggap na reklamo ang kanyang opisina, maging ang Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Elinor Jacinto ukol sa kung gaano umano nahihirapan ang senior citizens sa paggamit ng PayMaya.
Sa kanyang ‘Kalinga sa Maynila’ forum sa Tondo, binigyang-pansin ni Lacuna ang reklamo ng mga senior citizens sa na marami sa kanila ay ni hindi nagagamit ang kanilang PayMaya, at sinabing hindi sila makapag-withdraw o bigong mag- withdraw.
Bukod diyan, dala na rin ng pagiging makakalimutan dahil sa edad ay madalas umano nilang nakakalimutan ang kanilang PIN number na ekslusibo lamang para sa kanila, habang ang iba naman ay nakakalimutan kung saan nila nailagay ang kanilang card.
Dahil sa dami ng mga senior citizen na nagrereklamo ukol sa PayMaya, nagdesisyon umano si Lacuna na pagbigyan ang kahilingan ng mga ito na gawing mano-mano ang pagkuha ng senior allowance at ipaubaya na lamang sa mga barangay ang pamamahagi ng nasabing benepisyo.
“Sinasabi ninyo hindi kayo makapag-withdraw sa PayMaya. Sinasabi nyo mas gusto ninyo, mano-mano kaya naman ‘yun ang ginawa natin. Diretso na sa barangay ninyo ang allowance para diretso ho sa inyo. Kasi, napakaraming nagpupunta sa opisina ko at nagrereklamo,” pahayag ni Lacuna.
Ayon pa sa alkalde, ang monthly allowances ay mananatili sa mga barangay sa loob ng isang linggo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga senior citizens na makuha ang kanilang benepisyo.
“Dahil mas gusto kamo ninyo na matanggap na lang sa barangay ang inyong allowance kaya ‘yun po ang ginawa natin… idiniretso sa barangay at mananatili doon ng hanggang isang linggo ang mga allowance para masigurong makukuha po ninyo,” pagtitiyak ng alkalde.