Latest News

Makikitang personal na iniaabot ni Mayor Honey Lacuna ang financial aid bilang bahagi ng capital assistance program (CAP) ng lungsod, habang inaasistihan siya ni (kanan) social welfare department chief Re Fugoso. (JERRY S. TAN)

PUHUNAN SA NEGOSYO, PINAMAHAGI NI MAYOR HONEY SA HALOS 700 MAHIHIRAP NA PAMILYA

By: Jerry S. Tan

Nagpamahagi ng kapital o dagdag puhunan sa halos 700 mahihirap na pamilya si Manila Mayor Honey Lacuna, sa layong makapagsimula ng maliit na negosyo o di kaya ay mapaunlad pa ang negosyo, sakaling mayroon na.

Personal na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo at Manila department of social welfare chief Re Fugoso, ang pamimigay ng financial support sa may kabuuang 656 na pamilya, sa ilalim ng capital assistance program ng pamahalaang- lungsod sa simpleng seremonyang ginanap sa San Andres Complex, Malate, Manila.

Ayon kay Lacuna, ang mapapalad na pamilyang nakatanggap ng tig- 5,000 para sa kabuuang halagang higit sa P3.2 milyon, ay nagmula Districts 1 hanggang 6 at Baseco at nauna nang humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod ng Maynila para sila ay magkaroon ng puhunan para sa kanilang sisimulang negosyo o pandagdag puhunan sa umiiral na nilang negosyo.


“Alam n’yo po, simula nung ako ay konsehal, isa sa mga laging lumalapit ay mga humihingi ng paunang puhunan. Madami kaming natatanggap na sulat at kadalasan, hindi napapagbigyan lahat dahil hindi naman ganun kalaki ang pondo ng isang lingkod-bayan,” kwento ng alkalde.

Idinagdag pa nito na: “Kaya ginawan naming ng paraan sa pamamagitan ng capital assistance program na nasa ilalim ng mga prog ng Manila department of social welfare. Ito po ay ginagawa isa hanggang dalawang beses sa isang taon.”

Ipinaliwanag ni Lacuna na ang nasabing ayudang pinansyal ay dapat gamitin bilang panimulang puhunan sa kung anumang negosyo o kabuhayan at hindi para pambayad ng renta, pambili ng gamit o pambayad ng kuryente.

Ang programa, ayon pa sa alkalde ay ipinatutupad upang mapagaan ang buhay ng ilang mga residente sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng tulong pinansyal na magagamit nila bilang puhunan sa negosyo o dagdag puhunan.


“Wala pong maliit kuing pagsusumikapan nating palaguin ang negosyong naiisip natin. May mga kilala ako nag-umpisa sa 500 o 1,000 pero kalaunan, napagtatapos ang mga anak, nagsimula sa maliit na puhunan. Dalangin ko na ang puhunang galing sa inyong pamahalaang-lungsod, na nagsisikap maging masinop sa pondo, ay magamit ninyo nang tama,” pahayag ni Lacuna.

“Good luck po sa inyo at sana, sa susunod na taon, mga milyonaryo na kayo. Basta may tiwala, nasa inyo ‘yan, nasa pagsisikap ninyo. Ito na sana ang maging umpisa ng panibagong buhay para sa inyong lahat. Good luck at congratulations,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Fugoso, buo ang halagang matatanggap ng mga beneficiaries at hindi na kailangan pang makipagusap sa “commissioner”, sabay babala sa ilang indibidwal na nangungumisyon sa nasabing puhunan na aniya ay dapat na i-report ito sa kanyang tanggapan.

“Ang perang ‘yan ay buong-buo n’yong maiuuwi at walang ‘commissioner’ kayo na dapat kausapin. … nasa inyo ‘yan kung gusto ninyong may kahati, pero ang makikihati ay irereport ko sa opisina namin,” sabi ni Fugoso, na nalulungkot sa pagsasamantala ng ilang indibidwal sa mga beneficiaries. Pinalalabas umano ng mga manloloko na sila ang nagsama sa pangalan ng beneficiary na target lokohin at kapalit niyan ay hihingi sila ng parte o komisyon mula sa makukuhang kabuuang halaga.


Ang CAP ay isang social service na nagbibigay ng cash grant sa mga lehitimong mahihirap na indibidwal o pamilya para sila ay makapagsimula ng negosyo. Ito ay maaari ding dagdag- puhunan sa umiiral ng megosyo ng mga beneficiary na mapalad na napili.

Tags:

You May Also Like

Most Read