Iniimbitahan nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang publiko na manood ng 3D Film Showing sa Manila Clock Tower.

Publiko, inaanyayahan nina Mayor Honey at VM Yul na manood ng 3D film showing sa Manila Clock Tower gabi-gabi

By: Jerry S. Tan

INAANYAYAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang publiko na maglaan ng oras upang maaliw sa panunood ng special 3D film showing sa makasaysayang Manila Clock Tower gabi-gabi.

Tinawag na , ‘Sama-Saya sa Liwanag,’ ang nasabing palabas ay inilunsad ng pamahalaang-lungsod noong Linggo, December 15, 2024 at magtatagal ito hanggang matapos na ang Christmas holidays.


Sinabi ni Lacuna na mayroong kada oras na screening mula 6 p.m. hanggang 10 p.m., kasabay din ng pag-iimbita nila sa publiko na manood ng mga palabas kasama ang kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay.

Ang gabihang 3D show ay nagtatampok ng magandang mga ilaw, kwento at kasayahang labis na kagigiliwan ng lahat.

Ang Manila Clock Tower ay pinatatakbo ni Jose Ma. ‘Koi’ Belmonte ng Department of Tourism, Culture and the Arts of Manila (DTCAM) sa pamumuno ni Charlie Dungo.


Ayon kay Lacuna, ang lahat ng interesado ay pinapayuhang punwesto sa Kartilya ng Katipunan sa likod ng Bonifacio Shrine na katabi lang ng Manila City Hall, kung saan maganda ang view.

Samantala, pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng nagbigay ng suporta sa pagsasagawa ng pamahalaang lungsod ng gift-giving activity na tinawag na ’12 Days of Christmas,’ kung saan ang alkalde at ang bise- alkalde ang nanguna sa pamamahagi ng food boxes na naglalaman ng noche buena items sa mga pamilyang naninirahan sa Maynila.


May kabuuang 740,000 pamilya ang nakatanggang ng nasabing Christmas food boxes na bahagi ng programa ng pamahalaan upang matiyak na lahat ng pamilya sa Maynila ay magkakaroon ng maihahanda sa kanilang hapag-kainan sa araw ng Pasko.

Nagpahayag ng pasasalamat si Lacuna sa iba’t-ibang local government units na tumulong sa kanila ni Servo sa pamamahagi ng food boxes sa mabilis at epektibong paraan.


Pinasalamatan din ng alkalde ang barangay authorities na namahala sa distribusyon ng mga unclaimed food boxes.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read