Iniikot ni Manila Mayor Honey Lacuna and Manila North Cemetery kasama ang direktor nitong si Yayay Castaneda (kaliwa).

PUBLIKO, HINIMOK NI MAYOR HONEY NA AGAHAN ANG PAGHAHANDA SA ‘UNDAS’, NAGLABAS NG MAAGANG SCHEDULE SA NORTH CEMETERY

By: Jerry S. Tan

INIATAS ni Manila Mayor Honey Lacuna sa pamunuan ng Manila North Cemetery ang maagang paglalabas ng schedule para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa darating na Nobyembre.

Kasabay nito ay hinimok niya ang publiko na maghanda nang maaga para sa Undas dahil ang deadline sa paglilinis ng mga puntod at nitso ay hanggang sa October 25, 2024 lamang.


Ayon kay Lacuna, sa pamamagitan ng maagang abiso ay makapaghahanda ang mga bibisita nang mas maaga rin, dahil ang MNC na pinamumunuan ni Director Yayay Castaneda ang pinakamalaking sementeryo sa bansa at may pinakamaraming bumibisita tuwing panahon ng Undas.

Sa advisory na ipinalabas ng tanggapan ni Castaneda, ang mga may mahal sa buhay na nakalibing sa nasabing sementeryo ay maaaring maglinis, magpintura at mag-ayos ng mga puntod at nitso hanggang Oktubre 25 lamang at pagkatapos ng nasabing petsa ay hindi na papayagan ang sinuman na maglinis ng kanilang puntod.

Samantala, ang cremation naman ay suspendido hanggang matapos ang October 28 habang ang tanggapan ng MNC ay sarado mula October 27 hanggang November 3, 2024.


Lahat ng serbisyo kabilang ang cremation at libing ay magbabalik sa November 4 na.

Mula October 24 hanggang November 4, ang main gate ng MNC ay bukas mula 5 a.m. hanggang 5 p.m. lamang.


Gaya ng dati, sinabi ni Lacuna na mula October 28 hanggang November 4, lahat ng nakalalasinh na inumin ay bawal pati na din ang pagdadala ng mga alagang hayop, flammable materials tulad ng thinner at pintura, baril, kutsilyo at mga kauri nito, mga gamit sa pagsusugal at gayundin ang pagpapatugtog ng malakas.


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like