Dumalo ang mall at city officials sa pagbubukas ng kauna-unahang 'Manila Wedding Expo.' Nasa larawan sina (mula kaliwa) Camille Santos, permits bureau chief Levi Facundo, department of public services chief Nicole Kayle Amurao, Vice Mayor Yul Servo, MTPB chief Dennis Viaje, Regional Operations Manager of Robinsons Malls Malou Rhom at Kim Chan, Sr., Mall Operations Manager Robinsons Manila. (JERRY S.TAN)

Publiko, hinikayat tangkilikin ang kauna-unahang ‘Wedding Expo’ sa Maynila

By: Jerry S. Tan

Hinihimok ni Manila Mayor Honey Lacuna ang publiko na tangkilikin ang kauna-unahang ‘Wedding Expo’ ng lungsod, na kasalukuyang idinaraos sa Robinson’s Place sa Ermita.

Napag-alaman na ang nasabing expo, na sinimulan kahapon, Mayo 6, ay magtatagal hanggang sa Biyernes, Mayo 10, 2024.


Ang pagbubukas ng nasabing expo ay pinangunahan nina Manila Vice Mayor Yul Servo, Bureau of Permits chief Levi Facundo at kinatawan mula sa Manila Civil Registry sa ilalim ni Encar Ocampo na hepe nito Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Malou Rhom, Regional Operations Manager of Robinsons Malls at Kim Chan, Sr., Mall Operations Manager.

Sinabi ni Lacuna na ang naturang expo ay nagtatampok ng mga lokal na talento at industriya na dapat linangin at ipagmalaki.

Ayon pa sa alkalde, isa ring hamon ang expo sa mga lokal na negosyante na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya at paghusayin pa ang kanilang pagiging malikhain sa larangang kinabibilangan nila.


Binanggit naman ni Facundo sa kanyang mensahe na ang nasabing expo ay alinsunod sa layunin ni Lacuna na suportahan ang anumang lokal sa lungsod kabilang na ang restaurants at lahat ng klase ng establisimiyento.

Kaugnay niyan ay pinasalamatan ni Facundo ang Robinson’s management sa pagpapahiram ng espasyo dahil matagal na umanong plano ang exhibit nguni’t wala silang makitang lugar na akma para sa naturang proyekto.


Ani Facundo, halos lahat ng mga lumahok na exhibitors ay taga- Maynila.

Idinagdag pa ni Facundo na iniutos mismo ng alkalde sa Manila Civil Registry na maglagay ng booth sa expo upang matulungan ang mga nangangailangan ng paggabay para sa marriage requirements.


Samantala ay tiniyak naman ni Servo na siya at si Lacuna ay palaging nakasuporta sa mga negosyo o entrepreneurs na nag-aalok ng lokal na produkto at serbisyo.

Tampok sa expo ang mga establisimyento na nag-aalok ng wedding services tulad ng venues, clothings, makeup, wedding rings and paraphernalia, catering and souvenirs kabilang na ang photo booths at 360 degrees.

Ayon kay Servo, layunin rin ng expo na tumulong sa mga ikakasal upang tiyakin na gawing hindi malilimutang okasyon ang kanilang pag-iisang dibdib.



“Hindi lang kami nagpo-promote ng mga negosyong tumutugon sa mga kasalan, ngunit pinalalakas din namin ang isang kapaligirang naghihikayat sa pagkamalikhain, pagbabago at palikipagtulungan,” pahayag ng bise alkalde.

“Ang expo na ito ay isa ring pagdiriwang ng talento, simbuyo ng damdamin at dedikasyon ng lahat ng nagnanais makalikha ng di malilimutang araw para sa mga taong nais ipagdiwang ang kanilang pagmamahalan,” dagdag pa nito.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read