NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng magulang at guardians na pabakunahan ang mga kasama nilang bata sa bahay.
Ito ay sa gitna ng ulat na mahigit 800 na ang naitatalang kaso ng pertussis ng Department of Health mula January 1 hanggang March 31, 2024 lamang.
Ayon kay Lacuna, ang Maynila ay mayroong 44 health centers na pinatatakbo sa ilalim ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold Pangan, kung saan maaring mapabakunahan nang libre ang mga bata laban sa iba’t-ibang uri ng sakit.
Ani Pangan, maaaring bisitahin ng mga magulang at guardians ang MHD online appointment system para sa appointment via http:/www.ManilaHealthDepartment. com.
Binigyang-diin ni Lacuna, na isa ring doktor, na ang bakuna laban sa pertussis ay makakabawas sa dumadaming bilang ng kaso ng nasabing sakit, lalo na ang mga nasasawi dahil dito.
Mahalaga aniya na maagang pagtuko ang mga senyales at sintomas nito, gayundin ang maagaang gamutan para dito.
Tiniyak din niya na ang pamahalaang-lungsod ay nagsasagawa ng sariling case investigation, contact tracing, prophylaxis at immunization upang matugunan ang problema ukol sa pertussis at iba pang sakit.
Matatandaang kinumpirma ng DOH na ang bilang ng kaso ng pertussis sa bansa ay nasa 862 na, kung saan 49 ang nasawi dito. Sa mga batang apektado, 66 percent o anim sa bawat 10 bata ay walang anumang bakuna.
Ang naturang datos na naitala mula January hanggang March ay 30 ulit umanong mas mataas kaysa sa parehong panahon noong isang taon at sa nasabing bilang ay 79 porsyento umano ang mga bata na mababa sa limang taon ang edad. Karamihan sa mga kaso ay mula sa MiMaRoPa, na may naitalang 187 kaso, na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 158 kaso; Central Luzon, 132; Central Visayas, 121 at Western Visayas, 72.